HALOS ARAW-ARAW na lamang, pangkaraniwan nang laman ng mga balita ang tungkol sa mga riding in tandem ng mga kalalakihan na nang-ambush at pumatay ng kanilang biktima. Madalas ding napapabalita ang pambibiktima ng mga riding in tandem na kriminal sa panghoholdap ng mga tindahan at panghahablot ng bag ng mga naglalakad na mga kababaihan sa kalye.
Patok sa mga kriminal ang modus operanding ito dahil bukod sa hindi sila makikilala sa suot nilang helmet, madali silang makatakas kahit pa buhul-buhol ang traffic.
Pero tila nagmimistulang istupido ang ating mga kinauukulan tungkol sa paghahanap ng makabuluhang solusyon sa seryosong problemang ito. Ilan sa kanila ang nagbigay pa ng suhestiyon na armasan na lang lahat ng nasa media – dahil ang madalas na binibiktima ng grupong ito ay ang mga taga-media.
Walang duda na dapat armasan ‘di lamang kaming mga taga-media kundi pati na ang mga taong maituturing na kasama sa target ng mga gun for hire na riding in tandem. Pero ang nakikita kong problema rito, kapag nagkaroon ng engkuwentro sa kalye sa pagitan ng magkabilang armadong panig, naroon ang posibilidad na may mga inosenteng by-stander ang madamay at tamaan ng ligaw na bala.
Hindi ko lubos na ituturo ang sisi sa ating kapulisan dahil hindi naman nila alam kung kailan titira ang grupo ng riding in tandem. Bukod pa rito, hindi nila kayang bantayan ang lahat ng sulok ng bansa.
Kailangan sigurong pag-aralan ng ating mga pulitiko ang posibilidad na magpasa ng batas na ipagbawal na ang riding in tandem sa mga motorsiklo. Kamakailan, nagsagawa ng text survey sa mga listeners ang programa kong WANTED SA RADYO. Matapos kong maipaliwanag sa mga listeners ang problema, simple lang ang naging tanong sa ginawa naming survey at iyon ay kung sang-ayon ba sila na tuluyan nang ipagbawal ang riding in tandem. Sa 765 na mga listeners na nag-participate, halos hati ang mga sang-ayon at hindi sumasang-ayon. Mas nakakalamang nang konti ang mga sang-ayon na umabot sa 553 samantalang 212 naman ang hindi sumasang-ayon.
Ang dahilan ng karamihan nang hindi sumang-ayon ay dahil ginagamit daw nila ang kanilang motor sa paghatid sa kanilang mga misis sa palengke o sa trabaho at paghatid-sundo rin ng kanilang mga anak sa eskuwelahan. Malaki nga ang naititipid sa pamasahe ng isang pamilya na umaasa lamang sa motorsiklo bilang kanilang main transportation. Pero duda ko rin na ilan sa mga nag-text at hindi sumasang-ayon ay mga operator ng habal-habal. Oo nga naman, mamamatay ang kanilang negosyo kapag nagkataon.
Pero maaari naman sigurong pag-aralan at tingnan ang posibilidad na tanging mga adult na kalalakihan lamang ang ipagbawal na magkaangkas sa motor. So far, lahat ng mga nasasangkot na kriminal sa modus na riding in tandem na nahuhuli na ay pawang mga kalalakihan.
Ang inyong mga sumbong ay masosolusyunan at mapapakinggan sa programang WANTED SA RADYO, 2:00-4:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes sa 92.3 News fm. At mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo