Riding-In-Tandem

HINDI KO na mabilang ang mga death threat na aking mga natanggap – na hanggang ngayon ay patuloy ko pa ring natatanggap – dahil sa aking adbokasiya sa Wanted Sa Radyo na pagtatanggol sa mga karapatan ng maliliit nating mga kababayan.

Kasama sa adbokasiya kong ito na kung kailangan ay ilalaban ko ng patayan ang sinumang pobreng mamamayan na inapi at lumapit sa aking palatuntunan.

Sa kabilang banda, nais ko ring ipahayag na bukod sa pagiging pro-poor, ako ay isang pro-life advocate din para sa mga inosente nating mamamayan.

ILANG TAON na rin akong nag-iingay upang magising ang ating mga kinauukulan at pag-isipan kung ano ang mga puwedeng gawin para mabigyan ng permanenteng solusyon ang lumalaganap na mga krimen sa ating bayan na kagagawan ng mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo para mabilis na makatakas – na kung tawagin ay “riding-in-tandem.”

Ang panghoholdap, pang-aagaw ng bag at panghahablot ng mga alahas ang ilan lamang sa modus operandi ng mga kawatang ito. Sa maraming beses, walang sabi-sabi, agad nilang binabaril ang kanilang biktima para hindi na ito makapalag at ‘di na sila mahirapan pa.

Pero mas nakilala ang kilabot na grupong ito dahil sa kanilang epektibong pag-ambush at likida ng kanilang mga target na biktima.

KAMAKAILAN, ISANG anti-drug advocate na alkalde sa isang probinsya ang nilikida sa harap mismo ng NAIA Terminal 3 ng isang salarin na tumakas kasama ang isang kasabwat sakay ng motorsiklo.

Hindi ko na rin mabilang ang mga na-ambush at napatay na mga biktima ng mga naka-riding-in-tandem na salarin. Ang mga biktimang ito ay kinabibilangan ng mga pangkaraniwang tao, negosyante, environmentalist, kawani ng gobyerno pati na mga miyembro ng media, atbp. Sa madaling salita, wala silang sinasanto.

Wala pang naitatalang datos na may nahuli nang mga naka-riding-in-tandem na suspek ang ating mga pulis pagkatapos nilang maisagawa ang krimen. Bago pa kasi makaresponde ang mga pulis, mabilis ng nakatakas ang mga salarin kahit pa ma-traffic ang lugar sa pinangyarihan ng krimen dahil madaling imaniobra sa traffic ang motorsiklong sinasakyan nila. Hindi rin sila nakikilala dahil sa suot nilang tinted na helmet.

ILANG TAGASUBAYBAY ng espasyong ito, maging ng aking programa sa radyo ang nagpaabot ng kanilang pag-aalala dahil sa aking itinutulak na suhestyon sa mga kinauukulan na panahon na para pag-aralang mabuti ang posibilidad na ipagbawal ang pagsakay ng dalawang tao sa isang motorsiklo.

Marami ang nagsabi sa kanila na paano naman daw silang mga mahihirap na tanging motorsiklo lamang ang inaasahang transportasyon ng kanilang pamilya?

Ang aking nais ipaabot naman sa kanila ay isang kahilingan na baka naman puwede nilang isakripisyo ang kanilang sinasabing tanging “family means of transportation” dahil dito. Lalo pa kung ang kapalit ng pagsasakripisyo nilang ito ay maraming buhay ang masasalba at maraming krimen na inuugnay sa mga naka-riding-in-tandem ang mahihinto.

Puwede pa namang gamitin ang motorsiklo ng isang padre de pamilya o ng kanyang ginang ng tahanan.

NAKASISIGURO AKO na darating ang panahon – sa ayaw at sa gusto nating lahat, na magkakaroon ng batas na ipagbabawal na ang riding-in-tandem sa mga motorsiklo. Itaga n’yo sa bato.

Mangyayari ito sa oras na isang kaibigan o kamag-anak ng mga makapangyarihan at maimpluwensyang opisyal sa ating gobyerno, o dili kaya mismong mga kabaro nila, ang napasama sa naging biktima. Tiyak na rito na sila kikilos.

Pero hihintayin pa ba natin hanggang sa mangyari ito habang tuluy-tuloy ang pagkuwenta natin sa bilang ng mga biktima na nabibitag ng mga riding-in-tandem na kriminal araw-araw? Sa katunayan, habang isinusulat ko ang artikulong ito, isang restaurant supervisor sa barangay South Triangle sa Quezon City ang napaulat sa isang pahayagan na biktima na naman ng mga snatcher na nakasakay sa motorsiklo. Matapos mahablot ng mga salarin ang kanyang bag na may lamang pera at cellphone, walang awang binaril pa rin nila ang biktima.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleLouise, puro ‘hayop’ ang role
Next articleRole ni Raymond Bagatsing sa serye ni Marian Rivera, sinusulot ni Gabby Concepcion

No posts to display