NAIIBA ANG GANDA at husay ni Rio Locsin as an actress kahit ilang dekada na ang lumipas. Hindi natin malilimutan ang classic films na ginawa niya na dinirek ng mga de-kalibreng direktor tulad nina Ishmael Bernal (Salawahan), Lino Brocka (Ina, Kapatid, Anak), Leroy Salvador (Gising Sa Magdamag) at Celso Ad Castillo (Aliw-Iw). Pinatunayan ni Rio na hindi lang siya “Sex Goddess” noong 80s, isa rin siyang mahusay na artista.
Katunayan nga, ginagawa ni Rio ang remake ng kanyang Kambal Sa Uma bilang ina nina Shaina Magdayao at Melissa Ricks sa bagong version nito. “Siguro maganda lang ‘yung trabaho namin para i-remake ito for TV. Nakakatuwang isipin ‘yung ginawa namin at nakita ng young generations sa ngayon.”
Hindi malilimutan ni Rio ang pelikulang Gising Sa Magdamag. “Kung maaalala ninyo, maganda ‘yun. Prostitusyon noong araw. ‘Yung mga prostitute sa kabaret, naka-rolyo ‘yung ticket. Tapos, hinihigpitan ng Mama San ‘yung mga prostitute na kapag nakabuntis, ipalalaglag. Maraming aral na kapupulutan, siguro isa ‘yun sa puwedeng gawin, i-remake. Napapanahon din siya dahil sa hirap ng buhay ngayon. Puwede nating makita, may ibang paraan pa.”
Masuwerte si Rio dahil nakatrabaho niya ang mga pamosong direktor at mga batikang artista tulad nina Lolita Rodriguez at Charito Solis na na tinitingala at nirerespeto sa movie industry. “Yun talaga ang blessings sa akin. Nang pumasok ako sa industriya, nakatrabaho ko ‘yung “The Great” na sina Ishmael at Brocka. Tapos noong may lay-low ako, naglay-low rin sila. Parang nagsabay-sabay kami hanggang nawala nga sila. ‘Yun nga nagkaroon ako ng experience na makatrabaho ko sila. Hindi ko na mababalikan, wala nang babalikan, ‘yun ang malaking blessings sa career ko.”
Sinong makapagsasabing dumaan muna sa pagiging sexy star si Rio bago ito naging isang mahusay na artista. “Kasi nga tinutukan ako ng mga magagaling na direktor na ito, kasi kapag kasama mo sina Lolita at Charito magtitino ka. Hindi p’wedeng play time-play time kapag nasa set, hindi p’wedeng pa sweet, kailangang handa ka kung hindi, masisipa ka. ‘Yung privilege na makatrabaho mo sila tapos sasayangin mo lang, hindi naman yata tama ‘yun. Kailangan mong pag-aralan, bigyan mo talaga ng puso, ng dedikasyon ‘yung trabahong ginagawa mo.”
Para kay Rio, ano nga ba ang pagkakaiba ng artista ngayon kaysa noon? “Wala akong maisip sa ngayon, ang nakikita ko hindi kami nag-start na sikat agad. Ako nga dinadaanan lang ng kamera sa Burlesk Queen. Hindi silver platter ang ibinigay sa aming stardom, paghirapan mo, pagtrabahuhan mo at maganda ang magiging resulta noon. Kasi nga matagalan ‘yung epekto sa isang artista, sa dami ng tao na makakatrabaho mo, makikilala mo, nandito ka pa rin. Ibig sabihin, maganda siguro ang ginawa mo sa industriya kaya hanggang ngayon nand’yan ka pa rin. ‘Yun ang gusto kong makita nila, hindi ‘yung nakukuha sa madalian ang lahat. Kahit sa trabaho, mag-aral ka, love your work, madaling kumita, madali ang pera – totoo ‘yun!
“Sa mga baguhan nating artista, sino sa kanila ang puwedeng maging Rio Locsin? “Ang mapupuri ko sa kanila, magagaling ang mga artista nating babae. Hindi natin maitatangging bata pa si Shaina Magdayao magaling na. Alaga ko ‘yan. Nagkasama na kami noong time na bata pa lang siya. Ngayon may boyfriend na, magkakasama uli kami sa TV. Magaling din si Maja Salvador, maalagaan lang mabuti lalo pa silang gagaling.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield