MALIIT LANG ang role ni Ritz Azul sa Mamasapano: Now It Can Be Told na official entry ng Borracho Films sa MMFF this December 25. Isang reporter ang role niya sa pelikula at ayos lang daw ito sa kanya.
“Ako po kasi, nandito po ako sa industriya bilang artista. Hindi po ako pumipili ng bida o hindi bida. Lahat po yan, gusto ko po talagang ma-experience.
“Nasuwertihan lang po ako na nag-umpisa akong pumasok sa pag-aartista, lead role po agad ang mga naibigay. Ngayon, masaya po ako na nakatatanggap po ako ng supporting roles,” paliwanag niya.
“Dito naman po sa industriya natin, hindi naman po do’n ang basehan. Sabi nga po nila, ang basehan ng pagiging artista ay ang longevity po. Passion ko pong talaga ang pag-acting.
“Hindi ko po tinitingnan kung bida, supporting yan. Basta may role, may character akong gagampanan, masayang-masaya po ako dahil nami-miss ko pong talaga ang acting,” giit pa ni Ritz.
Kahit may asawa na ay itutuloy pa rin ni Ritz ang pag-aartista.
“Napag-usapan na rin namin at alam naman niya na gusto ko talaga ng acting. At saka siyempre, nang makilala niya ako, artista na rin naman ako.
“Pero siyempre, may mga restrictions na rin tayo, may mga limitation na rin dahil may asawa na rin. Hindi na tulad ng dati na all out talaga. Ngayon, pipiliin na rin natin ang mga projects na gagawin,” lahad pa niya.
Ang Mamasapano: Now It Can Be Told ay ipapalabas sa Dec. 25. Pinagbibidahan ito nina Paolo Gumabao, Aljur Abrenica at Edu Manzano.