SIMULA SA panahon ng pagkakatatag noong 1919 ng bayan ng Rizal, Laguna, tumanggap ito ngayon ng pagkilala bilang isa sa Outstanding Municipality sa buong bansa sa ginanap na programa na inihanda ng Department of Education sa Baguio City noong September 16-19, kasama ni Kgg. Punong Bayan Antonino A. Aurelio, ang buong Sangguniang Bayan, Barangay Chairmans ng nasabing bayan, pati na ang ilang Civic Organization, ang mga kawani ng pamahalaang bayan.
Nauna nang tumanggap ng Certificate of Excellence mula Provincial Level ng DepED (Laguna) at Gawad Lingkod Bayani Award ang bayan ng Rizal, mula rin sa Kagawaran ng Edukasyon Alternative Learning System (Calabarzon) na siyang pinagbasehan para mapili silang kalahok sa Regional Level ng 2014 Regional Literacy Search For Outstanding LGU 5th Class Municipality bilang kinatawan ng Region 4A CALABARZON kung saan nakuha ng bayan ng Rizal ang 1st place sa ginanap ng 2014 Alternative Leartning System (ALS) Regional Literacy Awarding Ceremony sa Tagaytay International Convention Center sa Tagaytay City.
At sa kauna-unahang pagkakataon, nakamit din ng bayan ng Rizal ang 4th place award sa katatapos na 2014 National Literacy awards para sa Outstanding Local Government Unit (LGU) Municipal Level Class B kamakailan ng sa Baguio City.
Ang nasabing pagkilala ay ibinigay sa mga LGU na nakapag-develop at nagpatupad ng mga polisiya, programa at proyektong nagtutulak sa ikauunlad ng literasiya at positibong pagtanggap sa kanilang mga barangay at kalidad ng kanilang buhay.
Ang kategorya ng LGU ay hinati-hati sa highly urbanized city, component/independent city, Class A municipality (1st-3rd Class), at ang Class B municipality (4th-6th Class).
Ayon kay Mayor Aurelio, ang pinagsama-samang aklat na naglalaman ng mga programang pang-edukasyon ay isinumite bilang lahok sa regional evaluation at mula sa 17 rehiyon na sumali, ang kanilang isinumiteng aklat ang siyang napiling nanalo at awtomatikong magre-represent ng rehiyon sa national level search.
“‘Yung ibang programa mo, halimbawa… akin, ang ipinanalo ko’y programa sa health, agrikultura, edukasyon, revenue generation, at sa turismo… kapag nagustuhan ng mamamayan mo, tatalino sila. Kung may agrikultura ka, bukod sa nutrisyon ay may pangkabuhayan ka pa bukod pa sa mapag-aaral mo pa ang inyong mga anak,” paliwanag ni Mayor Aurelio.
“Para naman sa revenue generation namin dito, makapagbibigay kami ng assistance o tulong sa mga scholarship programs sa mga mahihirap. Sa turismo, makapagbibigay kami ng hanapbuhay, mga proyekto sa pagkakaroon ng trabaho para sa kanilang mga kababayan para mapaaral din nila ang kanilang mga anak. Sa bandang huli, ang convergence ng aking mga programa ay makakamit ang mataas na literacy rate sa aking bayan,” pagtatapos ni Mayor Aurelio.
Marami na ring parangal ang natanggap ng nasabing bayan mula nang maupo bilang alkalde ng bayan ng Rizal si Mayor Aurelio, dahil sa kanyang pagsusumikap na maiangat ng antas ang kanyang mahal na bayan na matagal na ring nalugmok sa kahirapan at kakulangan sa serbisyo publiko.
Sa kanyang pamumuno, marami nang naipagawang infrastracture si Mayor tulad ng ospital, gusali ng Bureau of Fire Protection, eskwelahan, pagsasaayos ng kanilang water system, ang pagde-develop sa Tayak Hills na ngayon ay dinarayo na ng lokal at foreign tourist, at marami pang iba lalo na sa pangkabuhayan.
Hangad ni Mayor Aurelio na mula sa pagiging 5th class municipality ng bayan ng Rizal ay tumaas na ito at maihanay sa 4th class municipality na hindi naman nanalalayong mangyari dahil nakikita na ang pag-unlad sa dating pinakamahirap na bayan ng Lalawigan ng Laguna.
Ni Raymund Vargas