MARAMI ANG nakaabang kung ano ang sunod na mga magiging kaganapan sa pagpapatuloy ng PBB 737 matapos pumasok na ang mga bagong regular housemates. At kagaya ng main host ng show na si Toni Gonzaga, co-host na si Bianca Gonzales, at Enchong Dee (na nakasama ng teen housemates sa loob ng bahay ni Kuya), si Robi Domingo na naghu-host naman para sa PBB updates ay wala rin daw idea kung ano ang mga susunod na mangyayari.
“Tulad po ng mga sinasabi nina Toni (Gonzaga) at Bianca (Gonzales)… kami po ‘yong huling nakaaalam,” aniya nga. “Kapag ibinigay po sa amin ‘yong script on that day, do’n pa lang namin po malalaman kung ano ‘yong mga kaganapan. Even ‘yong 7 (sa 737), hindi ko po alam kung ano ang ibig sabihin no’ng last na 7. Nasu-surprise na lang din kami sa show kapag may mga revelations na.
“Everyday po ang work schedule ko sa PBB. I’ll be there 10 am po. Tapos update na po kaagad. And then ang nangyayari, meron pong bago ngayon na PBB, ‘yong Gold. Ang calltime ko naman po ay 2 pm hanggang 5 pm na po iyon. Tapos ang next ko ay 6 pm hanggang 9 pm naman para sa online show. So buong araw nasa PBB po talaga ako.
“Sa The Voice naman po, may ginagawa lang kaming online show every week with Darren Espanto. Ito ‘yong sa TheVoice@ABS/CBN.Com/Sat. Once a week lang po iyon. Ipinapalabas siya every weekends.”
Sa PBB at The Voice pa lang, occupied na ang buong linggo niya. Pero okey lang daw kay Robi kahit halos wala na siyang pahinga.
“Kapag season po ng PBB, talagang focused muna talaga ako do’n. E, nagkataon na sumabay pa po ‘yong The Voice ngayon. And sobrang suwerte ko kasi parte pa rin ako ng ASAP at saka MYXX. So everyday po talaga, may ganap.”
Hindi naman umaangal ang girlfriend niyang si Gretchen dahil halos buong panahon niya ngayon ay nakatuon sa trabaho?
“Minsan, may mga times po. Pero masuwerte po ako sa kanya kasi at least alam niya ‘yong trabaho, alam niya ‘yong nature. Kahit may mga tampururot nang konti. Hindi naman maiiwasan ‘yon. Pero sa kadulu-duluhan ng araw, alam niya kung ano ‘yong mga priorities. At saka alam niya na minsan lang naman na mangyari,” na dagsa ang magagandang opportunities ang ibig niyang sabihin.
“Hindi lang talaga maiwasan na magkaroon siya ng tampo minsan. Pero hindi naman ‘yong tampo na parang mag-aaway na kami. Minsan, may mga pa-bebe moves lang siya na sobrang cute. Na… nagbi-baby talk. Napaka-understanding ni Gretchen. Kung kinukulang man ako ng panahon sa kanya, hindi umaabot sa point na pagmumulan ‘yon ng away namin.”
Sa mga panahong nagtatampo si Gretchen, paano niya ito sinusuyo?
“Minsan surpise na kapag may oras, pupunta ako sa kanya. Kakain kami sa labas, manonood ng movie. Tapos kahit late na late na sa gabi, lumalabas pa rin kami. Ang madalas na bonding moment namin… actually mahilig po kaming kumain talaga, e. Kain lang talaga ng American food at saka ‘yong sa Japanese buffet.”
At least once a week, he tries to find time daw para kay Gretchen.
“Kung may chance po. Kasi alam namin ang priorities namin ngayon. Top 1 talaga, work e. Kung may work siya, mag-a-adjust ako. Kung may work ako, mag-a-adjust po siya. Pero kung may little time left for us, ‘yong time na ‘yon talagang ginagawa namin for us.”
Kuntento na ba siya sa kasalukuyang takbo ng career niya ngayon sa ABS o may kulang pa na gusto niya ring ma-achieve?
“Ako… I can’t ask for more po. Pero siyempre, may mga pangarap pa rin tayo na sana matupad in the future. Like siyempre… having my own show. Pero siyempre ngayo, parang nag-o-OJT po ako from the great, e. Like kay Toni Gonzaga, Luis Manzano, Tito Boy Abunda… nag-o-OJT ako sa kanila. And I’m happy where I am right now,” panghuling nasabi ni Robi.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan