KAMAKAILAN LANG AY pasok ang pangalan ni Ma. Isabel Lopez sa mga artistang tatakbo sa darating na election.
Nag-file kasi siya ng candidacy for councilor ng 4th district ng Quezon City.
Pero kahapon nga lang ay nakausap namin ang former Bb. Pilipinas 1982 at katatanghal na Best Supporting Actress sa Gawad Tanglaw sa movie niyang Kinatay mula sa direksiyon ni Brillante Mendoza.
Nagbago ang ihip ng hangin.
Yes, mukhang lumalabo na ituloy niyang tumakbong konsehal sa dami ng kanyang project ngayon like Working Girls 2010, Happyland at isa pang movie with Direk Mendoza.
Mukhang busy nga ang aktres kaya naman posibleng hindi na niya ituloy ang unang desisyon.
“Hindi naman na sa back-out na ako, ang sa akin lang, ayokong pumasok sa isang bagay na hindi na ako nakapagko-concentrate. Maganda ang pasok sa akin ng 2010. So, ayokong talikuran ang opportunity na dumarating,” sey niya.
“Gusto ko kasing naka-focus, ayoko ‘yung pagsisisihan ko balang-araw,” dagdag pa niya.
So, nangangamoy na ngang minus isang artista ang kakandidatao sa QC. May susunod pa kaya?
NAKATUTUWA NAMAN ANG mg binitiwang salita nitong si Robi Domingo sa harap ng press para sa movie niyang Paano Na Kaya? na pinagbibidahan nina Kim Chiu at Gerald Anderson.
Kung ang ibang young actor ay ayaw o itinatago ang ma-link sa mga baklita na taga-showbiz, itong si Robie naman ay tanggap na ma-link siya sa mga baklita.
Alam n’yo ba na tinanong siya na kung hindi ba siya naiinggit dahil may Kim si Gerald?
“Hahanap na lang po ako ng ibang Kim Chiu,” sey niya.
Sa kanino naman kayang katauhan niya hahanapin ang isang Kim Chiu.
“Kay Direk Ruel (Bayani) na lang ako,” sey niya.
Alam naming hindi true ang sagot niya, pero nakatutuwa, dahil nga inosente siya sa kanyang mga sagot. Walang malisya para sa kanya ang mga sagot niyang ‘yon. Ibig sabihin nu’n, malinis si Robi, walang itinatago. Hindi siya katulad ng ibang artista na punung-puno ng lihim.
Like? Ay, wag na…
MARAMI ANG NAGULAT sa akting na ipinakita nitong si Rafael Rosell sa indie at advocacy film na Tulak. Dito makikita na puwede na nga siyang tawaging aktor. Habang tumatagal ay mas lumalalim ang kanyang pagganap. Hindi lang siya matatawag na poging aktor. Masuwerte at sa kanya napunta ang pelikula dahil nga inindorso pa ito ng DepEd, MTRCB at PDEA at si Sen. Tito Sotto.
Kasalukuyan pang umiikot ang said movie sa mga schools sa buong Pilipinas at ngayon nga ay sa Nueva Ecija. At nalaman namin na magkakaroon ng premier night sa February 12, Mega Center, Cinema 1 sa Cabanatuan City. At sana makarating du’n si Rafael at iba pang cast .
Mahusay rin ang batang aktor at gumanap na batang Rafael na si JP Mesde na pride ng Nueva Ecija – tubong Talavera, Nueva Ecija at nag-aaral sa La Fortuna School.
Very supportive ang kanyang mga magulang na sina Mr. and Mrs. Elsa Mesde.
by Fernan de Guzman
Fer ‘Yan Ha?!