UMIKOT SA may parteng Luneta ang sasakyan ni Robin Padilla. Nakasakay siya sa isang black na Toyota Hilux at nagkagulo ang mga tao, sumisigaw “Si Idol! Si Robin!” Nagkagulo ang mga tao habang lumalapit para magpa-picture. Sadyang maawain itong si Robin. Nang lumapit ang mga pakalat-kalat sa lansangan na mga nagugutom, bumunot sa kanyang bulsa at binigyan ang mga bata at matatanda.
Nataong ‘yun ang anniversary ng mga kontra sa nagsusulong ng DAP at PDAF na kilalang ‘Million People March’. Siyempre, may kasama siyang nakasalakot at nagwawagayway ng bandilang pula at may-tatak na KKK (Kagalang-galangan, Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan) na siyang simbulo ni Gat. Andres Bonifacio.
Siyempre kinuhanan natin ng pahayag kung ano ang kanyang layunin dahil marahil araw ng mga bayani.
Ani ni Robin sa akin, “Ito ay ang maka-rebolusyonaryong damdamin nating mga Pilipino. Sapagkat sa oras na ito, nakasalalay sa atin ang kinabukasan ng bagong henerasyon. Kaya hinihingi ko sa ating mga kabataan at sa ating mga namumuno. Higit sa lahat ‘yung mga nasa sining, dapat naman talaga na pairalin ang sinasabing talino ng inyong kaluluwa, at gamitin ito upang gisingin unang-una ang mga tinatawag na mga nanumpa na sila’y maglilingkod. Ngunit, sa mga oras na ito ay mga sarili nila ang kanilang pinaglilingkuran. Kawawa na ho ang rebolusyon natin simula ho noong 1896. Hanggang ngayon wala namang naibigay na maganda sa sinasabi nating kalayaan.”
Sa pagpapatuloy ni Robin, “Sa oras na ito sa henerasyon natin, ay may mga mangyayaring pagbabago. Ito ay manggagaling sa atin. Hindi ho ‘yan manggagaling sa gobyerno, manggagaling ho sa atin. Unahin natin ‘yung pagbabago sa atin, magising tayo, mamulat at umaksyon. Hindi naman mababago ‘yan kasi mana-mana ‘yan. Magmula noong kay Aguinaldo ‘yan, wala namang naging magandang epekto ‘yan sa ating mga Pilipino. Kung titingnan natin ang kasaysayan, magmula nang inagaw nila kay Bonifacio ang tinatawag nating ‘ gobyerno’. Dahil may gobyerno na noon eh, dahil inagaw lang ni Aguinaldo. Magmula noon wala namang naidulot.”
Dagdag ni Robin “Oo, inagaw nila sa mga prayle. Pero ang mga prayle ngayon, ‘yun ang gobyerno. Kaya wala naman tayong makukuhang pagbabago eh, hangga’t hindi sila umaamin. Aminin nila dapat ‘yung unang mga pagkakamali.”
Ah, kaya ipinakikita mo pa rin na ‘KKK’ ka? Dugtong niya, “Ah, buhayin natin ang Katipunan. Buhayin natin ang Katipunan sa puso natin. ‘Yun ang una, eh. ‘Yun ang una, tandaan mo kung walang Katipunan walang Rebolusyon.”
Ah, ano meron kang ikinakampanya? “Wala naman. Kami po talagang umiikot kami ngayon. Pero tayo, ‘di tayo sasama sa pulitika kasi, ‘yun ang pumatay kay Bonifacio. Nu’ng sumama siya sa pulitika, roon siya nataksil.”
Si ating kasalukuyang President PNoy, ano ang pananaw mo?
Ayon pa kay Robin, “Eh, wala na naman eh, dalawang taon na lang, hayaan mo nang matapos na. Ako, sa akin eh, me papalit ba? Wala naman. Ang ayoko lang, ‘yung sasabihin na meron pang extension. Para pang bakit pinaglaban ng tatay niya ‘yun. Ikinamatay ng tatay niya, pinaglaban ng nanay niya.”
Tutol si Robin sa No-El. “Masyado nang masakit ‘yan kapagka No Election pa.”
Ang No-El, sa Pasko lang ‘yun, ‘di ba? Hahahah!
Napatawa si Robin sa joke ko. “Hahahaha! Sana nga maraming pagkain at pera ang tao para masaya!”
Ah, ano kumusta naman ngayon ang showbiz career mo? Marami bang ginagawa?
“Ah, oo. May shooting nga ako eh, ng pelikulang Bonifacio.”
Kaya abangan natin ‘pag natapos ang pelikulang Bonifacio at panoorin ang Talentadong Pinoy, kung saan siya ang bagong host.
Kung tutuusin, ‘pag inisip natin, tila may katuturan ang kanyang mga sinasabi. Sana nga mabago na ang ating pananaw. Gawin natin ito sa isip, sa salita at sa gawa. Magkaisa sa magandang layunin na ang kuminabang ang ating bansa.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia