PERSONAL AT EKSKLUSIBO naming nakausap si Robin Padilla noong Sabado sa isang event at marami kaming nilinaw sa kanyang issue. Una naming itinanong sa kanya ang tungkol sa balak na kaya nila ng misis na si Mariel Rodriguez na magkakaroon ng anak?
“Sa ngayon kasi isa pa ‘yan, kahit itanong natin sa mga marriage counselor, hindi ini-encourage ng mga marriage counselor ang mga bagong kasal na mag-anak agad. Ang sasabihin sa ‘yo, enjoy-in n’yo muna ‘yung tamis ng pagkakakasal n’yo at pagsasama. Kasi totally, maiiba ang buhay n’yo ‘pag nagkaroon kayo ng anak. Hindi n’yo pa nabubuo ‘yung tinatawag na pundasyon magkakaroon pa kayo ng isa.
‘Yun ang pinag-uusapan namin ni Mariel ngayon. Tutal naman sa pagpapakasal niya sa akin ngayon, may bonus na kaagad siyang anak na lima, hindi pa siya sigurado sa ngayon kung handa na siyang magsi-lang ng supling. ‘Yan ang gusto namin na enjoy-in namin ang bawat sandali kasi katulad nito, magbabakasyon, ‘yung ‘pag wala kayong anak kasi anytime na ‘uy punta tayo du’n’, walang pipigil eh,” mahabang paliwanag ni Binoe sa amin.
Ilang araw lang ang nakaraan nang may isang Obispo na nagpahayag ng mga kaalaman tungkol sa pagpapakasal, at ayon pa sa ulat, hindi raw maaaring magpakasal sa Simbahang Katoliko sina Mariel at Robin dahil nga sa mga rulings at guidelines ng simbahan. “Eh sa ngayon medyo malungkot ‘yan kasi ah, wala po kaming gustong sagasaan dito. Kasi nirerespeto namin ang Iglesia Katolika, nagkaroon lang siyempre na may rule sila na dapat sundin at dapat sumunod si Mariel.
Sa ngayon, ang ruling nila ay bawal pa, pero umaasa pa rin naman kami na sana pagdating ng panahon, favorable sa amin ang kanilang desisyon na payagan kami na maikasal sa religion ni Mariel.”
So, matutuloy pa kaya ang binabalak nilang Catholic wedding sa June? “Mahirap magpakasal ng walang pari. Kasi ‘yun ang problema natin ‘tol eh, hindi namin nami-meet ‘yung requirements ng Catholic church. Siyempre maiintindihan natin ‘yun, may rules, eh. Pero naniniwala naman kami nasa pakikipag-usap nang maayos.”
Isa rin sa mga isyung lumutang ay ang hindi raw pagpayag ng kanyang ex-wife na si Liezl Sycangco na makasal sila. “Hindi annulled na ako, divorced na ako. Ay, hindi naman po kami nabubuhay sa kasalanan ng aking ex wife, ha? Ako po’y kasal na, si Liezl po ay kasal na, ang amin pong divorced ay approved na po ng Sharia, ang ano lang po du’n ay may mga guidelines, eh. Kami naman po ni Mariel, susubok at susubok, kakausap ng iba’t ibang obispo rin na puwedeng tumulong sa amin at higit sa lahat eh, ang sabi ko nga kay Mariel, dapat siguro ay sumulat din tayo sa Vatican. Kasi andu’n naman ang canon law, eh.
Kung ano ba talaga ang ruling. Kasi kung ang pagbabasehan natin ay ang mga naririnig lang natin at mga papeles na nanggaling sa ating mahal na obispo, mas maganda na ‘yung galing direkta roon. May mga tinatanong kaming tao na may alam ng canon law.
Bilang panghuli, ina-sure naman ni Binoe na pakakasalan talaga niya si Mariel sa simbahan kung ma-okay na lahat. “Huwag kang malungkot, ganu’n talaga, importante sa mga puso natin ay nais nating matuloy ‘yan. Kung anuman ‘yung mga bagay na hindi pa sumasang-ayon sa atin, ganu’n talaga. Kaya nga sumasarap ang pagmamahalan nina Romeo and Juliet eh, dahil diyan sa mga ganyang balakid. Kaya lalong tumatamis. Huwag kang malungkot, huwag lang tayong tumigil na ma-kiusap.”
ISANG PAKIKIRAMAY ANG ipinapahatid namin sa mga kaanak at pamilya ng young actor na si AJ Perez. Tandang-tanda pa namin kung paano kami pinakitunguhan ng actor sa bawat events na nakakasalubong namin siya. Wala siyang kaere-ere at hindi tumatanggi sa bawat hiling naming interview. Our deepest condolences po.
Tutok lagi sa Juicy, daily (10 am), TV5; Paparazzi, Sundays, 4 PM, TV5; at sa Cristy Ferminute, daily, 4 to 6 PM, Radyo Singko, 92.3 newsFM at Aksyon TV Channel 41.
Sure na ‘to
By Arniel Serato