OO NGA, ‘NO? Siguro, for a year now, hindi na tayo nakakapanood ng sitcom sa ABS-CBN, ‘no? Kaya nga nu’ng Sabado nang gabi, since nasa house lang kami, naglililipat kami ng channel, hanggang sa mapanood namin ang Everybody Hapi sa Channel 5.
In fairness, nakakatawa ang sitcom na ‘to without exerting too much effort. Okay ang tandem nina John Estrada at Long Mejia, pasok sa banga, ‘ika nga.
Nakakatawa pa rin pala si Long, ‘no? Parang nakikita namin siya bilang si Babalu. Nakalulungkot lang na ang daming cast, pero hindi masyadong nagagamit. Tulad ni Sammy Lagmay na all through out, walang dayalog, nakatambay lang sa resto ni Tita Nova Villa.
Mahusay rin itong si Alex Gonzaga. Nakakatawa siya, in fairness. Kahit sa Juicy, lalo na.
Kaya nga aabangan talaga namin sa July 3 ang sitcom nina Aga Muhlach at Ai-Ai delas Alas, ang M3 (Malay Mo, Ma-debelop) na ang sabi ni Ai-Ai sa amin, “Iba ang hagod ng comedy rito ni Direk Jeffrey Jeturian, panoorin mo.”
Sabi mo, eh. Go, panoorin!
NAKASANAYAN NA RIN naming manood ng Juicy, dahil tama ang mga nagsasabing nakaaalis ng antok ang talk show na ‘to sa loob ng 45 minutes. Sa iba siguro, sasabihing hindi na nila ito napapanood, dahil 11:30 P.M. kasi ang timeslot, lalo na sa mga nag-oopisina sa umaga.
Eh, wala naman kaming opisina, hawak namin ang oras namin, kaya may pagkakataon kami. And in fairness, gusto naming batiin ang TV5, dahil nakuha nila ang tamang blending ng mga hosts: Cristy Fermin, DJ Mo Twister, IC Mendoza, Alex Gonzaga at ang additional na si Shalala na humuhusay (in fairness).
Pero ba’t nga ba 11:30 P.M. ang timeslot nito? Hindi ba puwedeng aga-agahan para mas marami ang makapanood? Isa rin sigurong dahilan ang timeslot kumbakit puro station plugs na lang ang pinaka-commercial ng Juicy.
SA MGA SUSUNOD na araw, hindi na kami masa-shock kung mababalitaan naming sina Robin Padilla at Mariel Rodriguez na.
Ayon sa aming source, “super textmates” ngayon ang dalawa. Ni wala pa ring pag-amin na naririnig mula sa dalawa. Puro mga pa-cute lang na sagot sa mga katanungan.
At hindi rin namin masisisi si Mariel kung mainlab kay Robin. Dahil juice ko, kilala namin si Robin kung magpaibig ng babae. Tratong reyna ang ipararamdam niya sa babae.
Pa’no na si Zanjoe Marudo? Na-get over na ni Mariel ang dating kasintahan na siya pang nakipag-split sa kanya. At ngayon, ang nali-link naman kay Zanjoe ay walang iba, kundi si Cristine Reyes.
Tinutukso sila sa set ng Banana Split.
Kaya hindi malayong “magka—-an” ang dalawa.
As in “magkadebelopan” po.
Ikaw, ha? Kung anu-ano ang iniisip mo, huh!
Oh My G!
by Ogie Diaz