Robin Padilla at Mariel Rodriguez, plano nang magkaanak

YEAR 2010, MARAMING controversial na pangyayari sa buhay ni Robin Padilla. Hindi lang sa kanyang personal na buhay, kundi pati na rin sa kanyang showbiz career.

“Para sa akin, lahat ‘yun advantage. Lahat ‘yun kasi biyaya ng Panginoon. ‘Yung dumating, mabuti man o masama, bigay pa rin ‘yan ng Panginoon. Ako kasi, ang importante ‘yung hangarin. Kung mabuti ‘yung hangarin, kahit wala na sa image basta mabuti ‘yung hangarin, ginagawa ko ‘yun. Katulad ng Wowowee, maganda ang hangarin ko roon, hindi naman ako singer, hindi naman ako host, kahit inupakan ako du’n na walang katapusang upak… Ginawa ko ‘yun kasi ang intensiyon ko du’n, para mapasaya ang mga tao at ang naging regalo ko roon, na-kilala ko si Mariel Rodriguez.”

Bago ikinasal sina Robin at Mariel, wala silang itinago, naging honest sila sa isa’t isa. “Sa Wowowee pa lang, tinanong ko na siya kung may boyfriend na siya. Naging tapat ako sa kanya, sinabi ko kung sino ako, walang kasinungalingan, ganoon din naman siya.”

Pagbabago sa buhay ni Robin bilang may-asawa. “Malaki, ang tagal kong nabuhay mag-isa. Kung minsan may gulat pa, may katabi pala ako! Kung minsan nasisipa, nasisiko. Nu’ng isang araw na headbutt, sabi ko, grabe na ‘to. Siguro nasanay na akong walang katabi. Magmula noong 1999, baka-bakasyon (Australia with Liezel) lang naman ako roon. Kapag nandoon naman ako, ang katabi niya (Liezel) si Ali. Ngayon, matutulog ka, kasama mo, parang na-rewind ‘yung buhay ko, nag-asawa talaga ako. Sa India nakakatuwa roon, kasi rito hindi namin manamnam ‘yun nu’ng una kasi nagtatrabaho siya. Maaga pa lang aalis na ‘yan, hindi na nga natutulog ‘yan dati.”

Mga bagay-bagay na nagagawa nina Robin at Mariel bilang mag-asawa sa India. “Sa katotohanan, ako hindi nag-a-adjust. Kawawa ito (Mariel), una, moody akong tao, depende sa gising. Kung minsan, may gising na… kilala ko na siya. Babes, kapag tumawag na Babes ‘yan nakita niya ang mata kong matalim… ano lang ‘yun, moody lang talaga ako. Kawawa siya, sa totoo lang, hindi naman masamang kawawa ‘yun. Nabaptismo ka nang buhay may-asawa talaga.

“Maghahanda ‘yan, isang linggo ‘yun na grande na almusal lagi. Tinitiis ko noong una, itlog, sausage, sabihin mo na ang lahat na puwede niyang ihanda. Ikawalong araw, nagsabi na ako, alam mo, hindi talaga ako nag-aalmusal. Ako, oatmeal lang masaya na ako, ah ganu’n ba, sabi niya. Akala ko, okay na, ‘pag gising ko, oatmeal nga pero katakut-takot na may saging, may gata, etc. Sabi ko, oatmeal lang talaga, simple lang talaga ‘yung ganu’ng klase. Basta kung maghanda siya laging may handaan. Ngayon nu’ng ikalawang linggo natuklasan ko, hinahanda pala niya ‘yun sa sarili niya. Malakas pala siyang kumain, biro lang! Ha! Ha! Ha! Mas malakas pala siyang kumain kaysa sa akin, biro lang, nagpapatawa lang ako!

Sa pagsasama nina Robin at Mariel sa India, unti-unti nilang nakikilala ang bawa’t isa. Natuklasan ni Binoe na hindi pala marunong magluto ang asawa. “Hindi, pinipilit niya, nagluto ‘yan puro paso ‘yan sa pagpi-prito. Sabi ko, huwag mo nang pilitin, baka madisgrasya ka pa. Dahan-dahan ‘yan, mag-aral ka muna ng pormal na pagluluto, kasi nakakaawa pulos talsik ng mantika.”

Tapos sa India, ba-wal ang masahe, ‘yung magmamasahe… Ang nangyari ngayon, siyempre hindi na naman ako kabataan, magmula ng ala-singko ng umaga matatapos ako alas-dose ng gabi. Kaya roon, cook ko siya, masahista, taga-init ng tubig, talagang pinilit din niyang pagsilbihan ako.”

Ikinuwento rin ni Robin ang pelikulang ginawa nila ni Mariel sa India na may pamagat na Indian title na Tum (in Tagalog, ‘Ikaw’) na pang-Valentine na ire-release sana ng Star Cinema. “Hindi ko masasabi na Star Cinema, kasi hindi ako aabot sa ibinibigay ng Star Cinema na deadline. Kasi ang playdate na ibinibigay ng Star Cinema ay January. Sa Dolby pa lang ng pelikula namin, ang sound engineer humihingi ng 2 weeks para roon sa Dolby. Hindi mangyayaring Star Cinema kung ipipilit nila ‘yung January, kasi hindi papayag ‘yung partner kong mga Indian na hindi kami Dolby. May Valentine ang Star Cinema, may Star Cinema o wala, pang-Valentine namin ni Mariel ang pelikulang Maging Ikaw Lamang, ‘yun ang gusto kong title. Kaya lamang, hindi kami puwedeng magdesisyon, kasi mayroon tayong Indian partners. Lahat ng gusto nila dapat sundin natin, kasi nakakahiya naman. Hindi naman kami puwedeng maging under the mercy ng kahit sinong higanteng production. In a way na handa akong ilabas siya, open ako sa lahat.”

May plano na ba silang magka-baby ni Mariel? Siyempre naman, hindi na tayo bumabata. Kung ako ang tatanungin, gusto ko, lalaki agad ang maging unang anak namin ni Mariel. Lalaki man siya o babae, kung ano ang ipagkaloob ng Panginoon, buong-pusong tatanggapin namin.”

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

Previous articleABS-CBN, inilaglag ng sariling tauhan sa kaso laban kay Willie Revillame
Next articleSa Sarah Geronimo-Cristine Reyes Issue Anne Curtis, ayaw Makisawsaw

No posts to display