Robin Padilla at Mariel Rodriguez, sa June na ang Catholic Wedding!

NAGULAT ANG LAHAT nang sabihin ni Robin Padilla na sa Hunyo na ng taong ito sila magkakaroon ng Catholic wedding ni Mariel Rodriguez.

Maski na ang manager ni Robin na si Betchay Vidanes ay nabigla. Dahil wala pa naman daw siyang alam na may ganoon ng plano. Kaya, ang ibig daw sabihin nu’n, papaspas na sila sa wedding preparations kung ‘yun nga ang nasabi ni Robin.

May ilang mga bagay ring naibulalas ang aktor sa dinaanan niyang hirap para matapos ang pelikulang Tum: My Pledge of Love. Ilang beses din pala siyang nakatikim ng rejection para humingi ng suporta sa kanyang pelikula.

Kaya isa lang daw ang nalapitan niya, ang Star Cinema Productions. Hanggang sa paghingi niya ng permit para sa kanilang trailer, dapat daw pala kahit wala siyang pelikulang ginagawa ay nagbabayad siya taun-taon. Sinabi rin sa kanya na may utang pa kasi ang kanyang production outfit before. Nag-request nga siya na sana kung wala namang ginagawang pelikula ay mapagbigyan naman sila.

Pahayag ni Robin, “Kung wala ka namang pelikula, sana i-waive na ‘yun. Hindi naman ‘yun usapin ng bayad. Hindi naman ako nanloloko na tao. At hindi naman ako kumita. Nasan ‘yung sinasabi na suportahan ng pelikulang Pilipino? Kailangan ko pang tumakbo sa Star Cinema. Sabi ko, tulungan n’yo naman ako, hindi ako magbabayad. Kaya sila na lang ang nag-asikaso.

“Nangyari ‘yun nung nagpapa-approve kami ng trailer. Sana maging sinsero sa pagsasabi ng tulungan sa industriya. Sana hindi maipagdamot sa atin. Kaya pati ‘yung technology, kinailangan ko na ring pag-aralan.

“Nung kumukuha ako ng mga tao para sa production, ang sagot sa akin ng mga nakausap ko, ‘Busy kami, marami kaming commercials na ginagawa.’ Kaya punta ako sa isang kumpanya, gano’n din ang sagot. ‘Hindi po namin ibibigay ito, nauna na po kami sa isa.’ Naging choice ko na lang, punta sa ibang bansa, sa HongKong, para magpa-CGI (computer-generated imagery). Nawawalan na ng trabaho ang mga stuntmen. Tanggap ko na. Kahit anong gawin, wala ng magagawa. Wala na akong makuha.”

With regards sa nabanggit niya tungkol sa kanyang kasal, nilinaw niya na anuman ang mga nababalita pa tungkol sa hawak nilang legalidad ni Mariel sa kanilang pag-iisang-dibdib, legal na raw itong lahat. At kung meron pang mga pagdududa about it, ang abugado na raw niya ang sasagot noon at maglilinaw.

Nilinaw din ni Robin na hindi religious ang pelikula nila o tungkol sa relihiyon kundi ang mga conflicts na nangyayari sa dalawang taong nagmamahalan na may magkaibang kultura, relihiyon at paniniwala sa ikot ng kanilang mga buhay.

NAKAUSAP DIN NAMIN sa nasabing presscon ang kanyang anak na si Queenie na kasama sa pelikula at siyang love interest ni Ejay Falcon. May nagtanong sa dalaga tungkol sa divorce papers o legal ng paghihiwalay ng kanyang ama’t ina (Liezl Sicangco). Nabanggit lang ni Queenie na ang alam niya, may ilang mga kulang na papers pang kailangang asikasuhin.

“Kailangan lang ‘yun ni Mama para makapag-hanap na siya ng trabaho do’n. Madalas naman kaming magkausap. And she’s happy na there. Siyempre, ang gusto lang naman niya, maging maayos kaming lahat,” saad ng young actress.

May alam ba siya sa napabalita nung mag-debut ang kanyang kapatid na si Kylie, may biglang dumating sa nasabing okasyon later in the night na may bitbit na mga flowers for the celebrant? Itinuturo ‘yun as Aljur Abrenica.

Itinanggi ito ni Queenie. Dahil sila lang daw pamilya ang magkakasama that time.

Nanliligaw ba sa kanya ang bale leading man niya na si Ejay, itinanggi rin ni Queenie na may ganoong nangyayari.

“Siya na lang ang tanungin n’yo. Kasi, manhid ako sa ganyan kaya hindi ko po alam.”

Ano ba ang pagtingin na meron siya kay Ejay?

“Close na kaibigan po talaga na parang kapatid.”

‘Yun na!

The Pillar
by Pilar Mateo

Previous articleKris Aquino at Dingdong Dantes, Sosyo sa Gagawing Pelikula!
Next articleMOYMOY PALABOY, GAGAWA NG SHOW SA MEXICO!

No posts to display