IT’S FINAL, tuloy na ang pagsasa-pelikula ng true-to-life story ni Ping Lacson at si Robin Padilla ang gaganap bilang Senador Ping. Super excited si Binoe sa naiibang project na ito dahil malaki ang paghanga at respeto niya sa nasabing pulitiko.
“Ako’y natutuwa dahil sa akin ipinagkatiwala ni Sen. Ping na gampanan ang papel niya sa pelikula. Kahit sinumang artistang lalaki ay hindi tatanggi kapag in-offer-an sila ng ganitong kagandang proyekto. Tuwing nagmi-meeting kami, pinag-aaralan ko na ‘yung character niya. Kailangang makilala ko ang totoong Ping Lacson para mabigyan ko ng justice ‘yung character sa pelikula. Ang maganda nito, habang nagsi-shooting kami, nasa set si Sen. Ping para lalong maging makatotohanan, tama ang bawat eksena. Nabibigyan pa niya ako ng pointers sa magiging galaw at kilos ko,” pahayag ni Robin.
Matagal na ring hindi gumagawa ng pelikula ang action superstar mula nang maging asawa niya si Mariel Rodriguez. Sarado na raw ang usapan ng dalawa tungkol sa nasabing proyekto, ayon kay Direk Romy Suzara na kilalang action director. Hinihintay na lang ang go signal ni Robin kung kailan siya libre para mag-shooting. Seventy percent ng pelikula ay kukunan sa Europe kung saan namalagi si Sen. Ping at ‘yung 30 percent ay dito sa ‘Pinas kukunan. Ngarag nga ngayon si Robin sa dalawang show niya sa Kapamilya Network kaya panay ang advance taping nito. Maging Sunday na dati ay family day, nagtatrabaho pa rin ang action star.
Ayon sa aming source, malamang before the end of the month (May) ang lipad nina Robin, Sen. Ping, Direk Romy at Mariel Rodriguez na kasama rin sa cast as the wife of Ping papuntang Europa. Masasabing big-budgeted movie ang pelikulang ito dahil ang buong production staff ay kasama sa trip na ito. Madugo ang upahan, bilihan pati pagkain na ultimo mineral water mas mahal pa sa softdrink.
Napag-alaman din naming may balak ang producer nitong ilahok sa darating na Metro Manila Film Festival on December. For the first time, kung saka-sakali, ngayon lang makakasali sa MMFF ang pelikula ni Robin.
“Isang malaking karangalan para sa akin na makapasok ang pelikula namin sa festival. Palaging nauudlot, hindi pa siguro napapanahon kaya nangyari ‘yun. Sana, sa pagkakataong ito, walang maging hadlang para lahat tayo’y masaya sa darating na Kapaskuhan,” masayang sabi ni RR.
Ano’ng naging reaction ni Willie Revillame na mauunang gawin ni Robin ang Ping Lacson story? “Walang problema sa amin ni Willie, maging ang Viva Films ni Boss Vic (del Rosario). Naiintindihan naman nila ako kung bakit itong kay Sen. Ping ang gusto ko munang maunang gawin bago ‘yung sa amin ni Willie. Tutal naman, nagpapapayat pa siya. Kaya tamang-tama pag-uwi ko galing Europe, siguro naman, payat na ang kaibigang Willie,” say niya.
Tuloy pa rin ba ‘yung movie project ni Binoe sa Star Cinema? “Oo naman, nagkausap na kami ni Mam Malou (Santos) tungkol sa project na gagawin ko sa kanila. Willing naman silang maghintay. Ang totoo ‘yan, 20 percent ng movie nai-shoot na namin. Sa ngayon, hindi ko pa alam kung ano ang magiging schedule ko pagbalik namin nina Direk mula Europa. Si Bossing kasi ang nakakaalam ng lahat ng schedule ko. So, sa kanya lang dumi-dipende,” paliwanag ni Binoe.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield