PINANGUNAHAN NI Robin Padilla ang pagdiriwang ng Bonifacio Day sa Caloocan City noong Linggo, November 30. Ito ay sa pamamagitan ng isang pagtatanghal, ang Himig-sikan: A Concert For Bonifacio na ginanap sa Bonifacio Monument Circle.
Kasama ni Robin doon ang asawa niyang si Mariel Rodriguez at ang buong cast ng latest stareer niyang Bonifacio: Ang Unang Pangulo, kung saan kabilang sina Vina Morales, Jasmin Curtis Smith, Daniel Padilla, RJ Padilla, Rommel Padilla, at Richard Quan. Directed by Enzo Williams, isa ito sa entries sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.
Last November 23 ang birthday ni Robin. Hindi siya nagkaroon ng party dahil busy sa trabaho.
“Ang sinabi sa akin ni Mariel, bibigyan daw niya ako ng birthday party. Ang sinabi ko na lang sa kanya… ang gusto ko, pizza party lang. Ginawa naman niya. Sinet-up niya ang bahay, pizza party.”
Sa MMFF entry niya last year na 10,000 Hours ay nanalo siyang Best Actor. Hindi maiaalis na magkaroon ng expectation sa kanya na muli siyang mananalo ng acting award dito sa Bonifacio.
“Ako mas gusto ko ‘yong usapin na ano, e… tangkilikin lalong-lalo na ng mga kabataan ‘yong pelikula. Kasi hindi naman namin ito ginawa para sa award. Hindi namin ito ginawa para sa usapin na maging blockbuster, gano’n. Hindi. Ginawa namin ito para may maiwan kami sa mga tao.
“May nagtatanong nga sa akin, sino raw ba ang mahigpit kong makakalaban. Sabi ko naman… alam n’yo dapat hindi n’yo kami tinitingnan na kalaban. Dapat nga ini-endorso nila kami. Dahil itong pelikulang ito, para sa bayan ‘to. Hindi ito usapin ng kitaan.
“Hindi naman namin alam kung mababawi namin ang ginastos namin dito. Hindi namin iniisip iyon. Ang iniisip namin, itong pelikulang ito… kailangan ng mga Pilipino ngayon. Sa mga nangyayari sa atin, kailangan natin ito.”
Bilang isa sa tatlong producers ng pelikula, todo-ayuda raw si Robin kung ang pag-uusapan ay ang production cost nito.
“Tatlong kaming producers. Si Atty. Patron, si Mr. Ortigas, at saka ako. Nakaka-90 million na kami ngayon. Tumatakbo na sa gano’n. At wala pang promo ‘yon, ha! Ang estimate sa promo ay aabot ng 30 million pa. So magiging 120 million na.
“Actually hindi na naming iniisip kung mababawi pa ‘yong pera na ibinuhos namin sa pelikulang ito. Kung makakabawi ba kami o hindi. Ang compensation namin dito, ito kasi… magiging parang Bibliya ito ng ating kasaysayan, e. Alam mo ‘yon?
“Itong pelikulang ito, matagal nang kinalimutang lahat ang ibang pelikula… ito nandiyan pa rin ‘yan. Ilalagay sa archives ng mga pelikula na ‘yong mga kabataang Pilipino, mapapanood nila ‘yon. Ito ‘yong tunay na nangyari kay Bonifacio. Iyon ‘yong reward no’n.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan