EXCITED NA na may halong kaba si Robin Padilla habang pinapanood ang advance screening ng kanyang action-drama teleseryeng Kailangan Ko’y Ikaw with Anne Curtis at Kris Aquino na dinirek nina Malu Sevilla at Joyce Bernal. “Kinakabahan dahil drama pero bago siya sa akin. Sa unang pagkakataon, sumunod ako sa director. Lahat ng gusto ng director, sinunod ko at hindi ako nagkamali, maganda ang kinalabasan,” say ng action superstar.
“Kay Direk ‘yun at sa lighting director natin. Binigyan rin nila ng oras, hindi lang sa akin pati na din kina Anne at Kris. Hanggang ngayon nakasalalay pa rin ako sa director. ‘Yung mga eksena ko, kanila ‘yun, wala akong imput du’n na acting. Kung ano ang sinasabi ng director sumusunod ako. Minsan may gagawin ako, nagte-take 2, nagpapasalamat ako kina Anne, Kris kapag nate-take 2, hindi sila nagagalit. Siyempre kung minsan lumalabas kasi ‘yung pagiging action star. Kahit ‘yung mga eksenang (nilalandi siya ni Anne) ginaganu’n ka ng babae, laging diskusyon ‘yun. Sabi ko nga kay Direk, makatotohanan ginaganito ako ng babae, hindi ko sasagpangin ? Hindi, ganito ‘yung character, sumunod ka sa character. Hindi puwedeng ang masusunod ay ‘yung Robin. Kung ano ‘yung nakikita ninyong acting ko rito sa soap, kay Direk lahat ‘yun kaya nagpapasalamat ako kina Direk Malu at Direk Joyce,” pahayag ni Robin.
Kahit action-drama ang bagong teleserye ni Robin may mga pasundot-sundot na kuwelang dialogue na click sa manonood ang idol ng masa. “Ano lang ‘yun, malayo ito sa “Todamax”. Kung baga,ang rate nito 10. Ito mild lang, 4 lang itong soap,” say nito.
Almost a year bago ipalalabas on television ang nasabing teleserye nina Robin, Anne at Kris. March 2012 pa silang nagsimulang mag-taping. Ano nga ba ang mga dahilan ngayon lang ito ipalalabas? “Hindi nila magagawang ipalabas agad dahil ‘yung schedule naming tatlo nag-o-overlap. Kasi, maraming pagkakataon… sa totoo, nagpapasalamat kami kina Kris at Anne kasi, pati sila nag-adjust sa schedule ko. Maraming dinaanan ito na hindi ako puwede, kung minsan puwede ako, hindi naman sila puwede kaya ganu’n katagal ang production niya. Tapos ‘yung Ramadan, hinto kami nu’n,” paliwanag ng action superstar.
Na-overwhelm si Robin na first choice siya nina Anne at Kris para maging leading man. “Siyempre, nakakatuwa ‘yun, kung mayroon nagpi-present ng species ng babae ‘yung dalawa ‘yun. Nakakatuwa na ganu’n kaya sumusunod ako sa gusto nila. Ang maganda sa dalawa, pareho silang totoo. Kung ano ‘yung nakikita mo, ‘yun na ‘yun. Si Kris nga, ngayon ko lang nakilala ‘yun. Nu’ng sa aming dalawa, talagang puro love story. Alam mo, kapag in love ka, wala kang nakikita kung hindi maganda. Ngayon lang kami nagkita uli, wala nang ano, 25 years na yata, hindi ko na matandaan,” sabi nito.
Ayon kay Robin, kahit maging number one sa primetime ang rating ng kanilang soap hanggang season one raw lang ito. “Hindi siguro aabutin sa schedule namin, hindi ko alam kung papaano mangyayari. Siyempre, concern ng ABS ‘yung rating pero kami ang concern namin ‘yung schedule. Ako, dalawang pelikula ang gagawin ko, ‘yung isa sa Star Cinema at tapos ‘yung Ping Lacson Story baka matuloy na. Lalo na ‘yung dalawa parehong box-office stars may pelikula rin silang gagawin. Ako nga, nu’ng hindi pa naipalalabas pa, kung mag-taping kami isang beses sa isang linggo, tiyambahan po ‘yun. Kasi, ano ito, parang ginawa lang ng ABS ‘yung imposible. Imposibleng pagsama-samahin, pinagtiyagaan nila, pinaghirapan nila para matuloy. Isipin mo, sa isang taon namin, nakaka-apat na linggo pa lang kami. March 2012, nag-umpisa ito, ganu’n katindi kaya kung mag-i-extend, papaano kaya ‘yun? Kaya napaka-imposible, tignan natin. Ang ibinigay nilang schedule sa akin hanggang April lang. Hindi ko alam, hindi ko masabi… siyempre ako, gusto ko, masarap silang katrabaho at saka, pabor sa akin itong palabas na ito,” kuwento ng idolo ng masa, Robin Padilla.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield