KUNG WALA na si Ms. Amalia Fuentes sa teleseryeng Muling Buksan Ang Puso kalaban si Ms. Susan Roces at ito sana ang kanyang hudyat ng pagbabalik sa pag-arte, napunta naman siya ngayon sa Huwag Ka Lang Mawawala ni Judy Ann Santos.
At ang pumalit kay Ms. Amalia sa Muling Buksan Ang Puso, according to our source, ay si Ms. Pilar Pilapil na katatapos pa lang sa Ina, Kapatid, Anak.
Wow! Bongga pa rin ‘yan. Abangan.
MASUSUWERTE NGAYON ang mga veteran character actors, dahil sila ngayon ang inuulan ng mga proyekto. An’daming mga batang gustong mag-artista, kaya andami nila sa kategoryang bagets.
Pero kumokonti ang gumaganap na tatay, nanay, lolo, lola, kaya panahon nila ngayon.
Tulad na lang ni Tirso Cruz III na mabiling-mabili ngayon sa mga serye.
Katatapos lang sa Kailangan Ko’y Ikaw at rumaket muna sa pelikula, heto’t nasa Huwag Ka Lang Mawawala siya ngayon bilang kontrabidang dad ni Sam Milby at mister ni Ms. Coney Reyes.
Nandiyan din sina Albert Martinez, Lotlot de Leon, Anna Capri, Lito Pimentel, Noni Buencamino, Shamaine Buencamino, Dennis Padilla, Jaclyn Jose, Jean Saburit, Mark Gil, Janice de Belen, Cherrie Pie Picache, Agot Isidro, Mylene Dizon, Susan Africa, William Lorenzo, and I’m sure, marami pa kaming nakalimutan. Actually, nagkakaubusan talaga ng artista para sa character roles.
Sina Amalia Fuentes, Pilar Pilapil, Ms. Susan Roces, Ms. Coney Reyes, Ms. Helen Gamboa, Ms. Gloria Sevilla, Eddie Gutierrez, Eddie Garcia, Ms. Gloria Romero, Ms. Delia Razon, and the likes, I’m sure, sila mismo, tumatanggi na rin sa sunud-sunod na alok sa kanila.
Dahil kung ang pagbabatayan ay ang law of supply and demand sa Economics, mas may demand sa mga beterano, pero kokonti lang silang “supply”.
Habang pagdating naman sa mga youngstars, ang daming “supply,” pero kumokonti ang demand (shows).
Imadyinin mo, dear Ed, kung bagets kami ngayon eh, wala na, mukha na kaming tae. Hahahaha!
AND SPEAKING of “demand”, “in demand” ngayon si Robin Padilla sa mga endorsements, napansin n’yo ba?
In fairness, laging may naiiwang tatak ang kada TV commercial na gawin mo. Ginagawa na ngang catch line sa mga inuman ang kanyang, “It’s liver or lover boy!” na ang kanyang ine-endorse ay “Liveraide”.
Eh, kung hindi ba naman effective endorser si Binoe, tatagal ba ang relasyon nila ng Liveraide nang limang taon na ngayon? Obviously, kumikita ang produkto nila.
Ni-renew rin ang contract niya sa Cord Marine Epoxy (a brand of protective paint).
Tapos, nandiyan din ang Kawasaki na associated na sa tricycles na nu’ng kinuha ng Japanese motorcycle brand si Robin as endorser in 2010, tumaas ang imahe ng Kawasaki Philippines at kinilala ito bilang premiere motorcycle for both business and leisure.
Eh, ‘yung nakaaaliw na TVC nila ni Cristine Reyes, ‘yung 555 Tuna, natatandaan n’yo rin ba? Sobrang tuwang-tuwa ang mga taga-Century Canning Corp., dahil tumaas ang kanilang sales.
Ang lakas din ng dating ng “Nangingibabaw!” catchline nila ng pamangking si Daniel Padilla para sa Nescafe.
Kaya heto’t napanood na rin namin ang dumadagundong na TVC ni Robin na Revicon Forte ang “may lakas na ‘di umaayaw”.
Kaya nga ang sabi ni Robin, “Nako, ‘tol, malaking karangalan sa akin ‘yung makuha akong endorser ng iba’t ibang produkto. Makakaasa ang mga advertiser ko at ang mga tao na hindi ko sasayangin ang tiwalang ibinigay nila sa akin!”
Ikaw na, Robin!
Oh My G!
by Ogie Diaz