ISANG ACTION-DRAMA ang 10,000 Hours ni Robin Padilla ng N2 Productions, Philippine Film Studios, Inc., kalahok sa darating na Metro Manila Film Festival this December. Ang nasabing pelikula ay inspired sa buhay ni dating Senador Panfilo Lacson. Kuwento nga, sa post production, nakatutok si Lacson kasama sina Binoe at Direk Joyce Bernal dahil lahat sila ay naniniwala sa misyon ng pelikula.
“Katunayan nga, ngayong nahirang si Lacson sa isang magandang posisyon, hindi na namin siya pipiliting sumali pa o istorbohin. Papakiusap lang namin kung papaano niya binantayan sa umpisa, sana hanggang sa showing ng pelikula ay bantayin pa rin niya. Wala na kaming hihiling pa maliban du’n. Naniniwala kami na itong pelikula, makapagbibigay-aral, entertainment. Isang rebolusyon ang tingin namin sa lahat ng bagay. Hindi lang sa pulitika kung hindi sa pelikulang Pilipino, dahil umuusbong na ang mga batang producer na ang lilikot ng isip. Hindi sila takot na malugi, ang gusto nila, gumawa ng makabuluhang pelikula. At sana matuto ang mahal nating kababayan na entertainment… at maganda,” matikas na sabi ni Robin.
Nabuksan uli ang issue tungkol sa hindi pagkakaunawaan nina Robin at Governor ER Ejercito noon dahil kay Mother Betchay na manager ng action superstar. Paliwanag niya, “Magkakaibigan kami, magkaka-batch kami. Kami’y magkakasama sa Viva, nu’ng nag-away sina ER at Betchay. Masyado akong naapektuhan nu’n. Ako na nga ang nagsakrapisyo nu’n. Sabi ko, huwag na nating ipalabas ang “Mr. Wong”. Ibigay mo na ‘yan kay ER. ‘Yun ‘yung sinasabi ko, ang babaw naman talaga. Mag-aaway ba kaming magkaibigan? Hindi kami nag-away, kabaklaan naman ‘yun. Nagkita kami nu’n sa awards night, okay kami.”
Kahit magkaibigan, iniintriga ang samahan nina Robin at Gov. ER, silang dalawa raw ang maglalaban for Best Actor sa darating na MMFF. Say ni Idol, “Sa kanya na kung gusto niya. Ako sa kaibigan, hindi mo ako masusukat pagdating sa kaibigan, hindi ako nang-iiwan. Huwag mo lang akong aagawan ng asawa, mag-aaway tayo. Noon pa man, ganyan na ako, wala akong itinatago.”
Kagustuhan pala ni Robin na huwag munang magtrabaho si Mariel Rodriguez kahit may offer ito sa iba’t ibang network. “Hindi ako sana’y na wala si Mariel. Pagbukas pa lang ng mga mata ko, siya ‘yung una kong masisilayan. Hindi puwedeng gawin ‘yun ng iba, ‘yung damit na issuot ko, pagkain ko. Siya lahat ang nag-aasikaso. Pinakiusapan ko siya, isang taon pa na huwag muna siyang magtrabaho.”
Napag-usapan din ang pagkakaroon ng anak nina Robin at Mariel. Hindi pa raw sila handa sa ngayon dahil ini-enjoy pa nila ang buhay mag-asawa. “Hindi pa siguro ngayon, huwag muna kasi magugulo lahat ang sitwasyon. Okay kami sa set-up ngayon, maganda ‘yung set-up namin. Mayroon kaming harmony, may space kami sa isa’t isa. Baka mahaluan ng bago, magkagulo. Sa dami ng anak ko, ako ang baby damulag.”
Hindi maganda ang naging dating kay Robin ng sinabi ni Leo Martinez na gusto nitong magka-award sa MMFF. “Dapat lang naman. Ang problema natin sa Pilipinas, maraming madaldal. Kung gusto mong magsalita, huwag sa oras natayo’y nagkakaisa. Ito na nga, magsi-showing na tayo, ngayon pa ba tayo mag-aaway-away? Ang pakiusap ko kay Direk, kung gusto niyang magsalita, pagkatapos ng festival. Ngayong magsi-showing na tayo, dapat magkaisa tayo. Suportahan natin ang Metro Manila Film Festival. ‘Yun lang naman ang ibig kong sabihin at ako, papaano naman ako magssalita na papaburan ko siya. Ngayon lang ako nakakita ng festival na may independent. Kaya nga ako nakapasok dahil nakapasok ang independent producer. Sa matagal na panahon, ang naghahari sa MMFF ay ang ABS-CBN, Regal Films, Viva Films. Ngayon bago natin tignan ‘yung pangit, tignan naman natin ‘yung maganda naman. Sasamahan ko pa siya pagkatapos,” diretsong paliwanag ni Robin Padilla.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield