AYON SA aktor na si Robin Padilla hinding-hindi raw siya magiging pulitiko. Mas gusto raw niyang manatili sa showbiz hanggang tumanda siya.
Ito ang pagdidiin ni Robin nang makausap siya ng ilang entertainment press pagkatapos ng preview ng documentary film na Memoirs of a Teenage Rebel na ginanap sa Sta. Lucia East Grand Mall cinema sa Cainta, Rizal.
“Kung ako naging politician, ibig sabihin kalaban na ako, ibig sabihin itong ginawa ko propaganda na yan. Hindi ako pulitiko at kailanman hindi ako magiging pulitiko,” pagdidiin ng asawa ni Mariel Padilla.
Patuloy ni Robn, “Ako mahal ko ang bayan ko, ang hangad ko lang ay kapayapaan. Anong magagawa ko kapag naging pulitiko ako? Tayo pareho tayong nasa showbiz, ano sa tingin mo ang magagawa ko?
“Mananalo ako sigurado, nu’ng nakaraang eleksyon nga lang number three ako (sa survey) hindi naman ako nadedeklara. Pero bakit hindi ako tumakbo? Kasi wala naman akong gagawin du’n. Mag-aaksaya lang ako ng pera mo.”
Hiniling din niya ang tulong ng mga taga-showbiz na sana raw ay ipagtanggol siya kapag may mga bali-balitang tatakbo siya sa pulitika.
“Hindi ako naniniwala sa military government, sumama ako kay Presidente Digong dahil sa federal government, yun ang inaasahan ko.
“Kaya sa ating lahat, sa mga kasamahan natin sa showbiz, tulungan n’yo naman ako, ipagtanggol n’yo ako kapag may nagsasabing tatakbo ako. Kahit sa libingan ng tatay ko, sumusumpa ako, hindi ako tatakbo. No way.
“Hindi ako yun. Ang gusto ko lang, magkakasama tayo dito sa showbiz, dito sa palagay ko may magagawa ako,” deklara ni Binoe.
Ang Memoirs of A Teenage Rebel kung saan si Robin din ng narrator ay istorya ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagbalik-loob sa gobyerno at kung ano ang mga hindi makatarungang ginawa sa kanila ng kilusan. Produced ito ni Robin under his RCP (Robinhood Carino Padilla) Productions.
Isinabmit ang pelikula sa 2020 Metro Manila Film Festival pero hindi ito pinalad na makapasok sa Top 10.
Ang Memoirs of a Teenage Rebel ay idinirek ni May Pagasa at posibleng ipalabas sa January 2021.