SALUNGKAT SA naging tanong ni Arnold Clavio kay Robin Padilla na kapag sikat ka na action star ay saludo sa iyo ang mga tao kapag nagpunta ka sa isang resto or bar.
Sagot kasi ni Robin kay Igan ay pagkutya at paghahamon ang haharapin mo sa mga ito sa loob ng isang resto or bar.
“Dahil action star ka ay pagti-tripan ka, mapapasubo ka sa away. Madalas mangyari ‘yan sa akin,” say ni Robin.
Wala siyang iniidolong foreign action star at pabiro niyang sinabi na kaya niyang bugbugin ang mga ito. Isa lang daw ang iniidolo niyang action star, si Fernardo Poe, Jr. Hindi niya kaya ang nag-iisang Da King sa showbiz industry.
“‘Di natin kaya ‘yan! Saludo ako riyan,” aniya.
Samantalang hindi nagsisisi si Robin na ang pelikulang entry niya sa darating na Metro Manila Film Festival ay tungkol sa buhay ni Andres Bonifacio.
“Mapalad ako na nagampanan ko ang isa sa pinakaimportanteng lalaki sa ating kasaysayan, si Bonifacio. Isa rin ako sa producer nito. Nasa Spain ako nang tawagan ako ni Direk Enzo Williams na kapatid ko sa Katipunan.
“Kami po ay mga Katipunero talaga. At hindi kami peke. Kami po ay kabilang sa Katipunan. Nagkita kami noon ni Direk Enzo, kasi sabay kaming nanumpa at sinabi niya sa akin na isang araw ay gagawin namin ang Bonifacio. Napaisip ako na parang napakaimposible. After 2 years na nasa Spain ako, nag-aaral ako ng diary ni Jose Rizal, tinawagan nila ako at sinabi na gagawin na nga raw ang Bonifacio,” say pa ni Robin.
Sa TV show ni Arnold sa GMA 7 na Tonight With Arnold Clavio, pinagdiinan ni Robin na si Andres Bonifacio ang kauna-unahang Pangulo ng bansa at hindi si Emilio Aguinaldo.
Itinuwid din ni Binoe na walang katotohanan na laging ordinaryo lang ang suot ni Andres. Ang totoo raw ay kung paano magbihis ng disente si Jose Rizal ay ganoon din magbihis si Andres at magkaibigan raw ang dalawa.
Curious tuloy kami kung ano ba talaga ang tunay na kasaysayan at pakikipagsapalaran ni Andres Bonifacio?
SA X-MAS party for the press na handog ng TV5 na ginanap sa The Elements sa Centris last Tuesday, inihayag na ng Kapatid Network ang mga bagong show nila next year at very proud na sinabi na kanila na raw ang 2015 dahil sa magaganda nilang bagong programa.
Kabilang sa mga bagong programa ng TV5 for 2015, ang mga shows na Happy Wife, Happy Life na magtatampok sa asawa at kapartner sa buhay ng mga sikat na PBA players, What’s the Problem na magiging advice center ng bayan sa pangunguna nina Gelli de Belen at Atty. Mel Sta Maria, Healing Galing nina Dra. Edinel Calvario at Dr. Hayden Kho na magbibigay-payo tungkol sa mga maaaring lunas sa iba’t ibang karamdaman sa katawan, E5 na maghahatid ng mga pinakamainit at pinagkabagong happenings sa mundo ng showbiz at ang Extreme Challenge: Kaya Mo Ba ‘To? na pangungunahan ni Derek Ramsay kasama ang mga pinag-usapang The Amazing Race Philippines Season 2.
Magsasama na rin for the first time ang magkakapatid na Padilla na sina Robin, Rommel at BB Gandanghari para sa isang comedy/sitcom.
Ang iba pang comedy show nila ay ang Mac and Chiz na pagbibidahan nina Derek at Empoy Marquez at ang No Harm No Foul na tampok si Ogie Alcasid kasama ang mga PBA players.
Inihayag na rin ng TV5 na for the first time ay magkakaroon sila ng live New Year’s countdown na gaganapin sa Quezon Memorial Circle on December 31 ng gabi at inaanyayahan ang lahat ng maki-party o manood nang live sa kanilang tahanan para salubungin ang pagpasok ng Bagong Taon.
BAGO MAGANAP ang taunang festival na Metro Manila Film Festival-Philippines 2014, na talaga naman dinarayo at pinaghahandaan ng mga Pinoy para panoorin ang walong entry pelikula sa mga sinehan, magkakaroon din ng festival na tinawag din na Metro Manila Film Festival New Wave.
Ang mga pelikula raw sa MMFF New Wave ay magaganda at ang iba ay nailabas na rin daw sa ibang bansa na nabigyan pa nga raw ng karangalan.
Well, iisa lang ang masasabi namin sa mga pelikulang ito na ilalabas sa mga sinehan bago ganapin ang taunang festival na MMFFP 2014 ay posibleng mag-flop sa takilya.
Una, magiging busy na ang tao sa pamimili ng kanilang handa sa darating na Kapaskuhan, at ‘yun iba ay nagtitipid pa para magkaroon ng sapat na panggastos sa araw mismo ng Pasko. Kaya ngayon pa lang, masasabi nang magdurusa sa takilya ang mga pelikulang nakatakdang ilabas bago sumapit ang araw mismo ng Kapaskuhan.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo