HANGA AKO sa kaibigang Robin Padilla kung gaano siya kasipag mag-promote ng kanyang MMFF 2014 entry na Bonifacio.
Sinusuong ang mga aktibidades na sa kainitan ng sikat ng araw, hayun siya, tuloy ang pagkamay, pagpapakuha niya ng litrato at pagyakap sa masa, reason kung bakit sa mga nagdaang mga panahon, siya pa rin ang idol ng masa.
Sa promo ng pelikula, ang peg ni Robin ay ang “rebulusyon”. Pero anong klaseng rebulusyon ang gusto itawid ni Idol?
May rebulusyon ba na tahimik lang? May rebolusyon ba na walang pagdanak ng dugo? May pagbabago ba na tahimik lang na walang mamamatay?
Depende siguro kung sino ang tinatanong mo. Iba’t iba ang sagot, depende sa kamalayan ng taong sasagot kung ano ang interpretasyon niya ng “rebulosyon”. Unless kung ang revolution na nasa isip mo ay ang “green revolution” ni Imelda Marcos, sige magtanim ka ng iba’t ibang gulay para kumpleto ang pang-pinakbet na iluluto mo.
Kaya nga nalilito ako kung anong klase ng rebolusyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Idol Robin Padilla para sa kanyang pelikulang Bonifacio. Sa kanyang social media account, palagi kong nababasa ang salitang rebolusyon na sa ilang panahon na naging IG follower niya ako, hindi malinaw sa akin ang “rebolusyon” ng kaibigan ko.
Sa kasalukuyan, kapag binanggit mo ang salitang rebulosyon, hindi maiiwasan na matatakot ang mga kabataan. Kaya nga hilo ako kung anong klase ng rebolusyon ang gustong itawid ni Binoe para mas madaling maintindihan ng pangkaraniwang tao.
Sa selebrasyon ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, may showbiz event sa entablado sa harap ng Bonifacio Monument sa Caloocan. Nandu’n si Vina Morales, si Daniel Padilla at mga cast ng pelikula ni Binoe para sa MMFF 2014 sa Disyembre. Sa katunayan, late afternoon, may pa-concert si Gloc 9 sa masa. May sayawan. May kantahan may mga palaro at pabuya.
Earlier that day sa Liwasang Bonicafio, sa may harap ng Post Office sa Manila, kasama ni Robin ang mga street parliaments at mas kilalang mga left leaning leaders tulad nina Liza Maza, Tinay Palaybay, Satur Ocampo, Teddy Casiño, Rep. Luz Ilagan, Renato Reyes, etc. na identified na maka-kaliwa.
Sa morning event na ‘yun na pagtitipon at selebrasyon ng 50th Anniversary ng Kabataang Makabayan (KM), ang youth organization ng CPP-NPA-NDF na itinatag ni Jose Maria Sison; Robin was very visible sa TV coverages at maging sa media photo-op after niyang magbigay ng kanyang short speech sa harap ng almost 8,000 na dumalo sa rali-protesta na kulay dugo ang kapaligiran dahil sa mga nakawagayway na mga bandera ng iba’t ibang mga samahan at organisasyon.
Sa Pinoy Weekly Online; isang pahayagan na mababasa online (http:/pinoy weekly.org), may mga kuha na mga photos si Robin kasama ang mga nabanggit na mga personalidad na kuha ni photog Macky Macaspac; may gustong itawid si Robin. May big sabihin.
Sabi nga ni Robin sa kanyang speech sa pagse-celebrate ng anibersaryo ng KM: “Ikinararangal kong makaharap ang mga tunay na rebolusyonaryo,” na nagpalakpakan at nagbunyi ang mga taong naroroon.
Tuloy, maging ako, nalilito. Ano talaga Idol ang gusto mong itawid? Ang pagbabago at revolution ni Joma (with his presence sa KM event) o ang rebulosyon ng kung ano man na gusto mong iparating na ako mismo, nakalutang dahil hindi malinaw pa rin sa akin kung ano man ang nilalaman ng sinasabi mo na “kartilya” na iilan lang ang nakaaalam.
Sa ganang akin, ang pagbabago, ang rebousyon ay hindi nakukuha sa isang upuan lang o isang hapunan, kasama ang uring ipinaglalaban mo.
Ang ideology na pinaniniwalaan mo ay hindi nakakintal agad sa loob ng isang araw, dalawang linggo, tatlong buwan at anim na taon o ilang dekada lang.
Si Idol Robin, kasama ng mga “tibak” (read: aktibista), ang sinisigaw ay pagbabago. Nagtaas-kamao na kulang na lang na itaas ang hawak na baril sa kaliwang kamay para magtawag ng madugong rebolusyon at digmaang bayan.
Comment nga sa picture na kuha sa kanya na may hawak-hawak siya na baril sa kaliwang kamay, dapat itaas pa niya nang husto ang baril tulad sa pagtaas niya ng nakakuyom na kamao para mas swak at may conviction.
Hindi lang ako ang naging saksi noong umagang ‘yun, na kasabay ng pagtaas-kamao ni Binoe, kasama rin siya na sumisigaw ng patalsikin si PNoy.
Reyted K
By RK VillaCorta