SALUDO SI Robin Padilla sa bawat Pilipino dahil nagbibigay-karangalan ang mga ito sa ating bansa tulad ni Brillante Mendoza. Kinilala ang galing niya as a filmmaker sa pagkakapanalong Best Director sa Cannes Film Festival.
“Nauna si Lea Salonga na nakilala sa ibang bansa. Mas lalong hinangaan ang Pilipino nang maging world champ si Manny Pacquiao. Nagpasalamat tayo kay Manny dahil narinig ‘yung Filipino spirit. Ako, hindi ko nga isinasama sa dasal ko ‘yung pangarap na ‘yun kasi, sa tingin ko, imposible,” makahulugang sabi ng action superstar.
Bakit imposible para kay Robin na makilala sa ibang bansa bilang isang magaling na action star? “Nangyari na sa amin ‘yun ni Bossing (Vic del Rosario), inoperan kami. Nasaktan lang kami pareho kasi nakipag-meeting na kami sa Hollywood. Sa ibang bansa na kami nakikipag-meeting. Wow! Ang kasama namin sa meeting ay producer ni Tom Cruise, year 2004. ‘Yun ang masakit, hindi natuloy. Huminto ang mundo namin dito sa Pilipinas,” pahayag ni Binoe.
Ikinuwento ni Robin kung gaano kahirap ang training na ginawa niya sa abroad para mapaghandaan ang biggest break niya sana sa Hollywood. “Talagang serious training, eight months. Lahat pinag-aralan ko, nakakalipad ako,” aniya. Dinibdib nga ba ni Robin ang pangyaya-ring ito? “Hindi naman, parang nade-moralize, ang taas ng moral mo. Pak, ganu’n, hindi na matutuloy? Hahaha!”
Kahit anong pilit ang gawin namin kay Robin, hindi niya binanggit ang pangalan ng Hollywood actor. Tom Cruise ang hula namin na dapat sana’y kasama niya sa nasabing international film.
“Sikat na sikat na siya ngayong Hollywood actor. Action star, hindi Amerikano. Pinanood ko ‘yung huli niyang pelikula. Medyo naka-recover na ako. Documented pa ‘yun. ‘Yun ang masakit du’n, training, preparasyon, lahat. Okay lang kasi, inani ko naman. Magaling ang Panginoon, pagdating ko rito para akong si Superman. ‘Yun ‘yung ‘Joaquin Burdado’ (GMA-7). Piniktoryal na ako ni Jun de Leon nu’ng unang-unang barko sa Pilipinas. Hindi pa nagtatatalon, nag-barko na ako. Naka-Hollywood mood ako habang ginagawa ko ‘yung sa GMA-7.”
Kapag hindi rin lang busy si Robin, patuloy pa rin ang pagti-training niya kasama ang kanyang mga anak na sina Queenie at Kylie.
“Fullblast na pati mga anak ko sumasabay sa akin kaya ako’y masayang-masaya sa buhay ko ngayon. ‘Yung training ko dati, one hour, two hours. Ngayon, six hours, napipilitan ako.”
Excited ding ibinahagi ni Robin ‘yung movie na gagawin niya sa Viva Films with Willie Revillame. “Sana huwag munang magsimula dahil busy pa ako sa ‘Toda Max’. Tingnan natin, basta ako, kung ano ‘yung mga commitment namin, doon kami. ‘Yung Star Cinema nga, gusto agad gumawa ng pelikula. Kailangang panindigan na ‘yung action kasi, masaya na ako sa buhay. Gagawa rin lang ako na hindi ko ikasisiya, bakit ko gagawin? Dapat masaya tayo pareho. Lalo na kapag nagawa ko na ‘yung gusto namin ni Bossing. Bigyan mo ako kahit ilang buwan lang. Kapag nagawa namin ‘yun, puwede na akong mamatay.”
Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang charity work ni Robin with Mariel Rodriguez sa mga batang kapus-palad. Pati na rin ang ating mga kababayang nangangailangan ng tulong sa iba’t ibang lalawigan.
“Wala pa rin kaming pinagbago sa grupo, ‘yun pa din ang vision namin. ‘Yung implementation lang sa amin kasi, hands-on,” turan pa niya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield