SABI NI Robin Padilla, naawa siya sa kapatid na si BB Gandanghari kaya tinanggap na niya ito nang buong-buo.
Nakita raw niya sa kapatid ang pakikipaglaban nito sa third sex at kung paano dapat bigyan ng karapatan ang sinuman, anuman ang kanyang kasarian.
Tungkol naman sa pagpayag niyang maging host ng Talentadong Pinoy na magsisimula nang umere sa Sabado sa TV5 at 7:00 pm, wala naman daw naging problema sa kanyang kontrata sa ABS-CBN.
“Ever since naman, kapag tumanggap ako ng offer, nagpapaalam ako nang mabuti. Pinayagan naman nila ako na tanggapin ang pagho-host ng Talentadong Pinoy. Pumayag naman sila (ABS-CBN) kaya walang problema,” say ni Robin.
Bago tinanggap ni Robin ang pagho-host ng talent show ng TV5, hiningi niya kay Madam Wilma Galvante ang mga nakaraang episode ng show.
Hindi raw kasi niya pinapanood ang naturang talent show dahil katapat ito ng dating niyang show sa ABS-CBN. Pero nang makita raw niya ang mga katanggi-tanging kaalaman ng mga Pinoy, kaagad niyang sinabihan ang manager na si Bechay na puntahan si Madam Wilma at sabihin na okey at payag na siyang mag-host.
“Ngayon ko lang nakita ang mga nakaraang episode ng Talentadong Pinoy. Grabe! Humanga ako sa galing ng mga Pinoy. Sabi ko sa sarili, ito ang hindi dapat maputol o mawala sa telebisyon,” paliwanag pa ni Robin.
Kaiba at hindi raw ito katulad ng mga ginagawa noon ng dating host na si Ryan Agoncillo. Dahil this time ay tatlo silang magho-host ng show. Kasama niya sina Mariel Rodriguez at Tuesday Vargas.
Makakahalubilo rin nila ang mga contestant sa backstage bago ito isalang sa stage at magkakasama silang kumakain. Isa pa sa importante sa show, may power si Robin na i-save ang isang contestant kung sa tingin niya ay may karapatan pa itong magpatuloy sa labanan.
When ask, baka magkaroon naman daw siya at mga magiging hurado ng pagtatalo kapag may gusto siyang i-save na ayaw naman ng mga naging hurado: “Ah, hindi naman mangyayari ‘yan. Nagkausap na kami ng mga hurado. Kung talagang sa palagay nila ay hindi na dapat magpatuloy ng isang contestant, wala na talagang akong magagawa,” say ni Robin.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo