MASAYA NAMING nakakuwentuhan sa set ng Bonifaco: Ang Unang Pangulo, official entry ng Philippians Production sa darating na Metro Manila Fim Festival, ang bida rito na gumaganap sa papel mismo ni Gat Andres Bonifacio ang aktor na si Robin Padilla na kinukunan sa Casas Las Islas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan.
Bukod sa pagsasabuhay sa kanyang idolo, todo rin ang ibinibigay niyang suporta sa pelikulang ito. Kahit na wala siyang iskedyul ay pumunta siya bilang pagpapakita ng moral support sa nasabing produksyon at sa kaibigan niyang direktor rito na si Enzo Williams na U.S base director na kapwa niya miyembro ng samahang Kartilya.
“Alam mo brother, sa 30 years ko rito sa showbiz ay ngayon lang ako nakapagtrabaho sa isang produksyon na cool lang ang lahat. Wala kang maririnig na sigawan o makikitang mainit ang ulo, puro sila nakangiti kahit pagod na sa trabaho. Magaan tuloy ang aming trabaho. Ni katiting na mura ay wala kang maririnig,” masayang bida sa amin ni Binoe.
“Kaya naman napakagaang magtrabaho. Si Direk Enzo, cool na cool lang at maririnig mo lang siyang sumisigaw kapag sinasabi niyang ‘action’ at ‘cut’. At all praises siya sa lahat kapag maganda ang execution ng bawat eksena,” dagdag pa nito.
Kung sa bagay, sa ilang beses din naming pagpasyal sa kanilang shooting, ‘yun din ang aming naobserbahan at napaka-accomodating lahat ng staff mula sa producer nilang si Ms. Rina Navarro hanggang sa production crew. Hindi naman kami nagtataka dahil ang halos lahat ng bumubuo ng production ay puro mga foreign films ang ginagawa partikular na ang Bourne Legacy Team at dahil dito ay nadala nila ang disiplina at propesyonalismo sa pagpapatakbo ng mga dayuhang production.
Nabanggit pa nga ni Binoe na kung saka-sakali at muli siyang gagawa ng pelikula ay gusto niyang makasama silang muli para maayos at matiwasay ang kanyang paggawa ng pelikula.
Kaya naman naniniwala kami na maraming tropeo ang iuuwi nitong Bonifacio sa MMFF awards night dahil pawang mga awardee ang bumubuo ng produksyon ni Ms. Rina tulad ng lang unang-una ng kanilang direktor na si Enzo Wlliams na marami na ring natanggap ng awards at papuri sa Estados Unidos at award-giving bodies abroad, ang kanilang director of photography na ilang beses na ring nanalo ng Best Cinematography, si Roy Lachica bilang production designer, at sa larangan naman ng costume design ay nandyan din si Jocelle Bilbao. Hindi rin matatawaran pagdating sa make-up si Cha Cuyong.
Kaya nga walang itulak-kabigin sa production staff ng Philippians na pawang masisipag at full of smile sa pangunguna ni PM Joseph Santos, AP Maki Calilung, ang mag-inang Julie at Mike Ysla na casting coordinator at si Joseph Alonsabe.
Ni Raymund Vargas