TULUY-TULOY NA raw ang paggawa ni Robin Padilla ng historical films tungkol sa mga bayani gaya ng MMFF entry niyang Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Hindi pa man ito naipalalabas ay nakakasa nang sunod niyang gagawin ay ang pelikula naman tungkol sa buhay naman ni Apolinario Mabini.
“Hindi lang ‘yong Mabini. May Gregorio del Pilar. Marami kaming gustong gawin na historical na pelikula,” sabi ng action star.
Gusto raw niyang mag-set ng trend sa paggawa ng mga makasaysayang pelikula patungkol sa mga national heroes.
“Trend siya. Kung trend ang gusto ng karamihan na ipangalan, pero sa amin… katotohanan lang. Kasi maraming hindi alam tungkol kay Mabini. Na gusto naming lumabas. Maraming hindi alam tungkol kay Gregorio del Pilar. Marami lang ang nagsasabi na youngest general. Pero bakit siya naging youngest general? Para sa amin, iyon ang pinakamatinding inspirasyon sa mga kabataan ngayon. Twenty one years old lang si Gregorio del Pilar nang maging general.
“E, ngayon ang twenty one years old na kabataan, ‘yong iba walang ginagawa kundi clubbing. Parang kailangan nating idikdik. Baka hindi natin alam, kasi ngayon masasarap pa ang buhay natin. Pero otsenta porsiyento ng mga Pilipino… living below poverty line. Kailangang alam na natin iyon.”
Sobrang ipinagmamalaki ni Robin ang pelikula niyang Bonifacio. Ito raw kasi ang pinakamalaki at pinakamagastos na pelikulang ginawa niya sa buong panahon ng kanyang pag-aartista.
“Ay, talaga po! Ang production cost kasi namin… 90 million na, e. Aabutin ng 120 million kasama na ang promo. Alam n’yo po itong pelikulang ‘to, lagi pong ang aking misyon ay gamitin po ang kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoong Diyos upang ilathala sa mga tao ang katotohanan. Hindi na po ako nag-iisip pa kung ako ba ay box-office star pa o hindi. Ang importante po sa akin ay ‘yong ginawa kong pelikula ay magiging kayamanan ng mga kabataan at hindi balang araw ay nasa bodega na lang.”
Hindi lang nga basta historical film ang Bonifacio. May hatid itong paglilinaw hinggil sa mga nakalilitong impormasyong naitala hinggil sa naging buhay at mga usaping kinasangkutan nito.
Wala ba silang planong hingin ang suporta ng DepEd (Department of Education) para mai-recommend itong maiikot ng pagpapalabas sa mga eskuwelahan sa buong Pilipinas?
Biglang lumungkot ang muka ni Robin. Sandaling nag-isip ng sunod na sasabihin.
“Alam mo ang totoo niyan… mahirap namang sabihin na sumasama ang loob namin, ano? Oo. A… nalulungkot kami. Kasi itong pelikula namin… kasama namin dito ang mga historian na matitindi. Mga doctor (mga may doctorate degree sa history) ng UP (University of the Philippines). Sila mismo ang nagsasabi ng authority ng pelikulang ito. Ang malungkot… walang government support. Wala talaga. Ginawa namin ang lahat para lumapit sa mga taga-gobyerno. Pero talagang siguro… talagang pati ang gobyerno, ayaw din nilang malaman kung ano ang totoo.”
Nanalong Best Actor si Robin Padilla sa MMFF entry niya last year na 10,000 Hours na naging critically-acclaimed film din. Kaya hindi maiaalis na may mag-expect na muli siyang makasusungkit ng acting trophy sa Metro Manila Film Festival sa taong ito.
“Ako kasi kahit naman ‘yong last year, hindi naman namin ginawa ‘yon para sa award,” reaksiyon ni Robin. “Ginawa namin ang 10,000 Hours para mulatin ang mata ng mga tao sa pork barrel. Nag-succeed kami do’n. Hindi man kami nakabawi, pero sa maraming bagay… ‘yong 10,000 Hours, mayabang kami.
“Kasi ngayon, pinag-uusapan sa Senado ‘yong pork barrel. Wala namang nakaaalam no’n dati, e. Kami ang nag-umpisa no’n. Hindi namin inano talaga ‘yong awards. Kaya lang, marunong ang Metro Manila Film Festival. Alam nila kung sino ‘yong galing sa puso ‘yong ginagawa. ‘Yong hindi para kumita lang,” sabi pa ni Robin.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan