DESIDIDO SI ROBIN Padilla na ituloy ang pagpu-produce ng pelikula para sa kapatid niyang si BB Gandanghari. Inaayos lang daw ang script nito na bagaman tungkol sa third sex ang tema ng kuwento ay may pagka-action ang tema.
“Magsasagawa kami ng audition para sa mga pangatlong kasarian na makakasama ni BB,” sabi ng action superstar. “Na siyempre naggagandahan ding tulad ni BB at handang sumailalim sa masusi kong pagsasanay.”
Si Robin Kasi ang magsisilbing fight instructor para sa nasabing proyekto. At talaga raw matinding training sa martial arts ang pagdadaanan ng mga mapapabilang sa cast nito. Kailangan daw na ‘yong prinsipyong gustong maging mensahe ng pelikula ay maikabit sa personalidad ni BB at ng iba pang gay personalities na posible niyang makasama rito.
“Basta ‘yong pelikula ay tungkol sa pakikipaglaban ng pangatlong kasarian sa kanilang karapatan. Alam naman natin na maraming malulungkot na bagay na nangyayari sa pangatlong kasarian. Na kung minsan ay may nangyayari ring karahasan at may mga pagkakataon pang maraming napapatay na prominenteng miyembro ng pangatlong kasarian na nabibiktima ng krimen.”
Nagkaroon ng tatak si Robin bilang astig na bad boy ng Philippine showbiz. Nakagugulat ngayon na bigla’y nagkaroon ng soft spot sa puso niya ang gay people.
“Siyempre, ‘yong aking mahal na kapatid, eh… pumanaw si Rustom at may ipinanganak na BB. Na… kailangan ko siyang intindihin. Kailangan namin siyang maunawaan at tanggapin. Hindi man namin sabihing sinusuportahan namin siya, eh, dapat na tanggapin namin ang katotohanan. At ang katotohanan ay sa lipunan natin, nandiyan ang pangatlong kasarian.
“At saka karapatan ng bawat tao na ibigay kung ano ang nararapat sa kanila. Kahit anuman siya. Hindi ito usapin kung pro o anti-gay ka. Usapin ito na tao rin sila. At alam nila at nating lahat kung ano ang karapatan nila.
“Bilang kapatid ni BB, nakasuporta lang ako sa mga gusto niyang gawin at sa mga bagay na gusto niyang ipaglaban. At nararapat lang naman siyang suportahan.”
Napangiwi si Robin nang matanong namin kung magkakaroon ba ng love interest si BB o parang leading man sa pelikula.
“Ang usaping ganyan ang ipinatatanggal ko!” Natawa niyang sagot. “Mas madami pa kasing dapat na harapin ang isyu ng pangatlong kasarian bago ‘yan. Hindi naman natin maiiwasan ‘yan. Mga tao iyan, eh. Katulad nga ng sinabi ko karapatan nila ‘yan.
“Kaya lang, mas maraming dapat na unahin na isyu bago iyon. Unahin muna natin ‘yong mga karapatan nila. At kapag nasa kanila na iyon, eh, bahala na sila.
“Ang importante, eh, kilalanin sila ng ating lipunan. Na hindi sila pinagtatawanan. Kasi nakakalungkot iyon, eh.”
Diretsahang sinasabi ni Robin na kahit sinisikap niyang intindihin at tanggapin nang buo si BB sa kung ano siya, hindi pa rin umano siya handa kung pagkakaroon nito ng lovelife ang pag-uusapan.
“’Yong gano’ng pag-i-pag-ibig, malabo pa iyon. Matagal na panahon iyan. Kasi ang pinag-uusapan na natin ‘pag ganyan, hindi na karapatan. Values na iyan. At metron tayong kanya-kanyang values na dapat nating respetuhin.
“Kung sa karapatan, aba’y handa akong samahan ang kapatid ko. Pero pagdating sa values, eh, meron tayong respetuhan diyan.”
So, kung siya ang masusunod, babakuran niya si BB para maiiwas na ma-inlove at magka-boyfriend?
“Mas mahirap pa nga ‘yong babakuran ko. Malalaman ko pa. Mas mabuting huwag na lang. May kasabihan ngang mas mabuting hindi mo alam para hindi masakit.
“Basta sa akin, ni hindi dapat umabot na isipin ko iyon. Dahil isipin ko lang, eh, malabo na talaga. Hindi talaga. Hindi tugma sa values,” mariing sambit ni Robin sa huling bahagi ng pakikipagkuwentuhan namin sa kanya.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan