BLIND ITEM: Sana next time, ang guwapong young actor na ito ay me tinatawag na ethics. Hindi porke kaibigan niya ‘yung artistang ipine-presscon o dahil isa sa mga bisita sa presscon ay ipinatawag siya ay basta na lamang siya papasok samantalang hindi naman siya kasama sa movie na ipino-promote sa harap ng mga press.
Na-shock nga kami, biglang sumulpot ang young actor na ito, kaya tuloy tinatanong siya kumba’t siya nandu’n? O kung kasama ba siya sa movie? Na umiiling lang naman siya’t sinasabing pinapunta siya roon ng kaibigan.
An’lakas kayang maka-starlet ng gano’ng eksena, lalo na’t unti-unti pa naman siyang nagkakapangalan mula nang maging isa sa leading men siya ng isang bagets.
Umagaw lang siya ng atensiyon doon, kaya naman ‘yung ibang bading, hindi maiwasang mag-isip na ‘yung present that time na fashion designer ang kanyang pinuntahan doon.
Kaya ang sey ng isang kaibigang reporter, “Ang ganda naman ng fashion designer na ‘yan. Ang haba ng buhok! Eh, ‘di ba, nali-link din siya du’n ke _____ at ‘yun ang lagi niyang kasama? Pati ba ‘tong bagets na ito ngayon?”
Well, wala na kaming pakialam doon. Basta sana, next time, hindi na sana siya sumusulpot sa presscon na hindi siya involved para, dahil very unethical talaga.
Isusumbong ko ‘to sa aso niya. Hahahaha!
MULA NOON, hanggang ngayon, hindi pa rin binabago ng kasikatan ‘yang si Robin Padilla. Imagine, na-miss niya ‘yung mga dating movie press na nakakasalamuha niya at ‘yung mga nadatnan niya nu’ng struggling days niya.
Ang ginawa niya, ipinatawag niya ang tinatawag niyang “ka-batch” na reporters sa kanyang mansion sa Fairview kung saan hindi lang ito bahay nila ni Mariel Rodriguez, kundi eskuwelahan din para sa gustong makapasa sa pep test.
Ang nakakatuwa pa kay Robin, consistent sa pagtulong sa kapwa. Ang mga kapatid niyang Muslim na mga hindi pinalad sa buhay ay binigyan niya ng pabahay. 64 ang total na bahay na kanyang ipatitira sa mga walang matirhan.
“Tayo, ‘tol, eh, ginawa lang instrumento ng nasa Itaas para tumulong sa wala. Me pabahay tayo, pero sila na ang bahalang magbayad ng kuryente at tubig. Mahigpit ang community doon, kaya sisipagin talaga silang mag-work.
“At ako’y natutuwa, dahil nabili na natin ‘yung kabilang lote para patayuan pa ng 32 bahay, kaya ‘pag yumaman-yaman pa ako eh sana, madagdagan natin ‘yan.”
“Genuine” ang pagtulong ni Robin. Walang halong kapalit. Kahit pinipilit siyang tumakbong senador ay ayaw niya. Okay na raw ‘yung sa maliit niyang paraan ay makatulong siya sa mga kapatid na Muslim.
That night na naroroon kami ay isinasagawa ang gift-giving ng mag-asawang Robin at Mariel para sa mga construction workers ng kanilang mga pabahay.
Kami mismo bilang personal na nakakakilala kay Robin ay ilambeses nang napatunayan kung gaano kabait ang taong ito. At in fairness, mas guwapo ngayon si Robin kumpara noon.
Naelya nga ang mga reporter nu’ng ibuko ni Mariel na ‘pag natutulog pala si Robin, hubo’t hubad. Dahil katwiran ng action star, asawa naman niya si Mariel at mas presko raw ‘yung walang harang sa katawan.
Buti na lang walang CCTV camera, ‘no? Hahahaha!
Oh My G!
by Ogie Diaz