BLIND ITEM: Naloka ang mga movie reporter na bumisita sa taping ng isang public service show. Hindi nila kasi akalaing bopol pala sa pag-i-spiel ang isang female TV personality na siyang segment host ng nabanggit na programa.
One-liner lang ang sasabihin ng female TV personality, hindi pa niya mamemorya. Kung hindi nagba-buckle ay nagme-mental block ito at nalilimutan kung ano ba ang kanyang sasabihin.
Paulit-ulit tuloy ang take. At hindi na mabilang kung naka-ilang cure bago nasabi nang tama ng female TV personality ang kanyang maikling spiel.
Inis na inis ang mga movie reporter dahil cause of delay ng taping
ang female TV personality na ito. Kung bakit daw kasi nagmamaganda na walang idiot board para sa kanyang spiel.
Gusto raw yatang gayahin ng female TV personality na ito ang main host ng programa na walang script o spiel guide during the taping.
Ang kaso… hindi naman daw nga niya keri. Isang line lang nga raw, hindi pa niya mamemorya.
Ano ba ‘yon?
EXCITED SI Rocco Nacino bilang bida ng isasapelikulang Ilocano epic na Lam Ang. Simula na raw ng shooting nila this March.
Dapat daw sana ay nakapag-start na sila ng filming nito. Kaya lang ay ini-adjust pa ang shooting days niya for this sa kanyang taping schedules naman for GMA-7’s afternoon series na The Good Daughter, kung saan leading man siya ni Kylie Padilla.
“Nag-audition po ako for the role sa Lam Ang,” kuwento niya. “Marami raw nag-audition for it. Inaalam ko nga kung sinu-sino, ayaw naman nilang sabihin sa akin. Mahirap po ‘yong audition. Ibang klase ‘yong ipinagawa na mga exercises. At nagulat ako nang sabihin sa akin na ako ang napili. Siyempre masaya ako. Sabi nila, bagay raw sa akin ang role ni Lam Ang dahil sa hitsura ko. At nakita rin daw nilang may kakayahan daw naman ako para gampanan iyon.”
Revealing ang costume na isusuot niya bilang si Lam Ang. Nakabahag lang siya mula umpisa hanggang sa ending ng pelikula.
“Okey naman sa akin ‘yong pagsusuot ng bahag. Kasi gano’n din ang costume ko nang mag-guest ako sa Amaya. Pero topless ako so… kailangang magpaganda pa ng katawan. Kaya nagwu-work out ako ngayon. At saka nagda-diet. Binabasa ko na rin ‘yong script bilang paghahanda sa role. Nagri-reasearch na rin po ako sa internet tungkol kay Lam Ang.
“Supposed to be, si Isabel Daza sana ang leading lady ko. Kaso, hindi yata pumuwede kaya naghahanap sila ng kapalit. And sa akin naman, kahit sino ang mapili nilang leading lady ko, okey sa akin. Wala pa naman ako sa posisyon para mamili ng makakapareha.”
Second indie film na niya itong Lam Ang. Ang una ay ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa na ginawa niya with Enzo Pineda and Jean Garcia.
Discreet gay ang role na lihim na nagkagusto sa kaklase niya sa Poetry class na si Enzo, na may crush naman sa teacher nilang si Jean.
Mahusay naman niyang nagampanan ang nasabing papel. Sa katunayan, nominated siya rito for New Movie Actor of the Year sa 28th PMPC Star Awards For Movies whilch will be held sa Meralco Theater on March 14.
“Happy for that nomination. Isang achievement na iyon sa akin. And of course, magiging masa masaya kung mananalo ako. Pero kung hindi naman susuwertehin, okey rin lang. At least, na-nominate ako.”
Noong unang inialok daw sa kanya ang nasabing role, nagdalawang-isip siyang tanggapin ito.
“Pero no’ng nag-sit down kami ng direktor at ng producer kasama ‘yong manager ko, naging okey naman ang pag-uusap namin. Nagustuhan ko ‘yong story. Kaya ko nagustuhan ‘yong role, dahil sa story. And I find it very challenging na mag-portray ng gay role.”
What if magkaroon din ng offer sa kanya na all out gay naman ang role na nagbibihis-babae pa at may kissing scene sa kapwa lalaki?
“Siguro, pag-uusapan muna ‘yon. Dapat pag-usapan. Pag-iisipan ko pong mabuti ‘yon.”
Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan