NAGING emosyonal ang magaling na aktor ng Kapuso Network na si Rocco Nacino. Pagkatapos kasi ng ilang buwan na pagkatengga ay na-lockdown naman ang cast, staff and crew ng Philippine adaptation ng Descendants of the Sun para tapusin ang natitirang taping days nila para sa teleseryeng na bumenta sa mga Pinoy ang original Korean version nito na pinagbidahan noon ng dating mag-asawang sina Song Joong-Ki at Song Hye Kyo.
Post ni Rocco sa Instagram, “Finally home. Yesterday was the last day na suot ko ang uniporme ni Diego Ramos. Mangiyak iyak ako habang hinuhubad ko ang outfit na ito, realizing that yes, tapos na kami sa show na ito.
Thank you Wolf, talagang minahal ko ang pagganap sa character mo, dahil sayo kaya ako naging isang Navy Reservist. The tears weren’t for the last taping day, it was all for the blessings that came because of the show. Now we sit back and wait, sabik ako makita ang produkto ng pinaghirapan namin ng isang taon.”
“Thank you to everyone involved in this show, Thank you @gohingmelissa sa pagunawa sa work schedule ko, Thank you @gmanetwork for trusting in me, Thank you mga Kapuso sa pagmahal ninyo sa lahat ng karakter namin, and Thank you @actor_jingoo for doing a damn good job as Wolf that got me to be part of this project. Salute!
“This is Technical Sargeant Diego Ramos, aka Wolf, mission accomplished!
Abangan ang Descendants of the Sun: The Philippine Adapatation, soon on GMA Telebabad.” pagtatapos nito.
Naalala namin na originally ay may ibang teleserye project si Rocco with Sanya Lopez, Winwyn Marquez and Pancho Magno. Last minute ay pinullout ito dahil ibinigay sa kanya ang papel bilang Wolf na ayon sa mga netizens ay swak na swak para sa kanya dahil may hawig ito sa original actor na gumanap nito (Jin Goo). Maliban diyan ay proven na rin ang acting prowess ni Rocco kaya maaasahan mo na magagampanan niya ang role na ito with conviction.
Kahit na may kani-kanyang dyowa in real-life ay kinilig din ang mga viewers sa chemistry nila ni Jasmine Curtis-Smith, na hindi rin basta-basta ang pinagdaanan ng love story ng mga characters nila. May mga nagsasabi pa nga na mas kumakapit sila kina Rocco at Jasmine kumpara kina Dingdong at Jennylyn na main leads ng DOTS eh!
Malaking relief na rin siguro sa lahat ng involved sa DOTS na natapos na nila ang taping ng kanilang programa, na binawasan ang mga big scenes na epekto ng covid-19 health protocols. Curious kami makita kung ano ang naging diskarte ng management para maitawid ang mga eksenang ito.
Kung miss niyo na si Rocco Nacino, abangan ang pelikulang ‘Write About Love’ sa Netflix ngayong darating na September 25! Ito ang 2019 Metro Manila Film Festival entry ng TBA Studios na pinagbidahan ni Rocco with Miles Ocampo, Joem Bascon and Yeng Constantino.