KAHIT TAPOS na ang kanyang teleserye sa GMA, hindi pa rin daw mababakante si Rocco Nacino.
Kuwento niya sa amin, “Kaka-tapos lang ng Yesterday’s Bride kaya medyo nagpapahinga. Actually, hindi pa rin naman ako nakakapagpahinga eh, kasi tini-tape pa rin naming ‘yung Bayan Ko at patapos pa lang kami roon. And after that, baka ituloy na namin ‘yung isa pang project na naka-ready na, ‘yung Ibong Adarna.”
Maingay na pinag-usapan noong nakaraang taon ang bagong indie film niya na Lam-Ang dahil ‘daring’ ang kanyang role dito kung saan ang tangi lamang niyang suot ay bahag. Balitang na-shelve daw ang proyekto. Totoo kaya ito?
“I don’t know if shelved na, pero ang alam ko naman, sabi ni Direk sa akin, na kaya pa rin daw na matuloy ‘yung project. Although marami na ang nagbago sa look ko, katawan ko. Pero sa tingin ko, kaya pa namang ayusin ‘yun.”
Panghihinayang pa niya, “Kung kailan ako naglakas-loob na magbahag, nagkaroon pa ng problema sa project. Pero hopeful ako na matuloy pa rin ‘yun kasi, sayang, sayang ‘yung project, eh.”
Bakit kaya natigil ang shooting nito? “’Di ko rin alam, eh. ‘Di ako nagtanong sa reasons, kasi ‘di ko naman siya pinoproblema. ‘Yung productions ang nag-aano… so, ang sinasabi lang sa akin ay naka-hold lang daw.”
Matagumpay naman ang kanyang huling indie film na I Luv You Pare Ko na ipinalabas sa sinehan noong February 6. Kuwento niya, “Ang saya saya namin, it ran for one week sa mga sinehan. Masaya kami, maganda ‘yung reviews, natuwa kami na maganda ‘yung team-up namin ni Rodjun (Cruz), para raw kaming love team.”
Almost two years ago, gumanap na rin sa isang indie gay film si Rocco, sa Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa. Hindi kaya siya natakot na ma-typecast sa mga gay film sa susunod pa niyang proyekto? “Ay, hindi! It’s just one part, it’s just part of being versatile. So, ano lang naman ‘yun, nagkataon lang na magkasunod ‘yung napili kong role na ‘yun.”
Sa ngayon daw lalo niyang pagbubutihan ang kanyang craft para sa lalo pang ikakaganda ng kanyang career. “I’m honored na binibigyan nila ako ng project. Ano ‘yan, motivation… mas namo-motivate ako lalo na pagbutihin ‘yung trabaho ko para mas mabigyan pa nila ako ng mas maraming project.”
NALOKA NAMAN kami sa maraming panlalait na natanggap ng magaling na komedyanteng si Kakai Bautista. Imagine, dahil lang sa kanyang Instagram posts, kung saan napunta ang usapan sa dapat sana ay pagiging masaya lang niya na naka-date ang Thai Superstar na si Mario Maurer.
Halos dalawang linggo nang pinag-uusapan sa social networking sites na Twitter at Instagram ang mga ‘sweet na sweet’ na mga larawan nina Kakai at Mario.
Unang pinagtuunan ng ibang netizens ang itsura nitong girl na diumano ay lagpas-lagpas ang ipin sa kanyang bibig. Dyus-ko naman, bigay ng Diyos ‘yun kaya huwag namang manglait nang ganu’n-ganu’n na lang. Pangalawa, parang hindi raw bagay si Kakai na ma-link kay Mario dahil nga guwapo ito at sikat na artista hindi lang sa Thailand kundi pati sa ibang bansa. Opinyon ko, porke ba’t hindi ganun kaganda si Kakai hindi na ba siya puwedeng mahalin ng isang Mario? Inggit lang talaga sila.
At sa interview ng Showbiz Inside Report (SIR), ‘may I cry’ talaga itong si Kakai dahil sa mga negatibong komentong natanggap niya. Pero, pinanindigan niyang magkaibigan lang sila ni Mario.
Aniya, “Naiiyak ako kasi sobrang bait niya talaga sa akin. Hindi ko kasi akalain na magiging magkaibigan kami na ganito eh. Kasi ‘yung mga tao… porke ba komedyante na chaka hindi na pwedeng magkaroon ng kaibigan na sikat na superstar, na international star? Siya lang ‘yung nagpatunay na wala talagang pinipili ‘yung totoong pagkakaibigan, kahit ano ka pa. Marami akong kaibigan, pero ‘di ba, sino ba mag-aakala na ako lang, si Kakai lang ang magiging kaibigan ni Mario]?”
Nagkakilala sina Kakai at Mario sa shooting ng pelikulang Suddenly It’s Magic, kasama si Erich Gonzales.
Ayon pa kay Kakai, nasaktan siya sa ibang mga negatibong komento, lalo na sa diumano ay ginagamit lang niya ang pa-ngalan ng sikat na Thai celebrity para ‘mas mapaangat’ pa ang kanyang popularidad.
“Minsan natatawa ako, minsan nai-stress ako. Wala naman ako pakialam kahit ano pang sabihin — ‘ambisyosa,’ ‘ilusyonada.’ Pero ‘yung sasabihin nila na I’m using Mario to be popular… Kasi hindi naman showbiz ‘yung friendship namin, eh. Totoong friendship iyon ‘no.”
Nanghingi na raw ng paumanhin si Kakai kay Mario dahil sa mga nagsulputang intriga sa kanilang pagkakaibigan. “Pero siya, deadma lang siya. Sabi niya, ‘I don’t have to worry. Stop worrying. You’re my sister. I want you to be happy.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato