MATAPOS MAPANOOD ang video ng mga nakunan nang eksena, mas lalo pa raw naging inspirado si Rocco Nacino sa shooting ng Ilocano epic na Lam-Ang.
“First week of June kami magri-resume,” aniya. “Sa upperlands na ‘yong mga eksenang kukunan namin. We shot the scene na nagpunta si Lam-Ang sa Vigan (Ilocos Sur). Ang sunod namang kukunan ay si Lam-Ang habang nasa village niya sa Tagudin (Ilocos Norte).
“So, iyon ang upperlands. Na kailangan naming mag-hike pa papunta roon. So, mahirap-hirap ang mga eksena. Tapos naka-bahag pa ako!” Bahagyang natawang sabi pa ni Rocco.
Ano ang pakiramdam niya na maingay ngang napag-uusapan ang tungkol sa pagsusuot niya ng bahag? Na maganda raw ang kanyang katawan at puwedeng-puwedeng maging male sex symbol ng bansa?
“Sana po, mas maging excited sila sa film at hindi sa bahag! Ha-ha-ha! Pero siyempre, kahit iyon ang parang inaabangan nila, okey na rin sa akin. Wala namang problema sa akin iyon. Eh, ‘di ano… bigyan natin ng magandang exposure ‘yong bahag kung gano’n! Ha-ha-ha! Kung iyon ang inaabangan nila.
“Pero, magaganda ‘yong eksena. ‘Yong mga linya namin. So, sana hindi lang ‘yong bahag ang mapansin do’n. Sana ‘yong acting din namin ng mga kaeksena ko. At saka ‘yong mga fight scenes namin.”
Ano naman ang reaksiyon ng rumored girlfriend niyang si Sheena Halili nang makita ang mga lumabas na photos na nakabahag siya?
“Okey lang. Sabi niya, patingin nga. Tapos no’ng ipinakita ko… hala! Actually, in-encourage nga niya ako. Na kaya mo ‘yan. Ituloy mo lang.”
Naumpisahan na niya ang pagbi-bare ng kanyang katawan sa pagsusuot ng bahag na costume. May mga nagtatanong tuloy kung kakayanin din ba niya raw na mag-portray ng role ng isang macho dancer.
“Hmmm… hindi biro ‘yon, ah!” nangiti si Rocco. “Hindi birong maging isang macho dancer. I don’t know. Siguro kapag may nag-offer sa akin ng role na ‘yon eh, pag-uusapan muna namin kung ano ang mga gagawin. Pero siyempre, na-lilinya ako sa image na ganito, wholesome pa rin. Paminsan-minsan, may sunod sa pa-daring-daring. Pero hindi lagi. At gusto kong i-maintain ‘yong ganito.”
Baguhan pa lang siya pero kaagad-agad ay na-recognize na siya bilang isang mahusay na young actor. Matapos siyang manalo bilang new movie actor sa PMPC Star Awards at sa Breakthrough Performance By An Actor sa Golden Screen Awards ng Enpress, siya rin ang nahirang na Most Promising Actor of the Year ng Guillermo Mendoza Scholarship Foundation.
“Nakakatuwa po. Na this early sa aking career ay may ganito na. Nakakalungkot na hindi agad ako nakabalik from Ilocos to Manila para tanggapin ‘yong award sa Guillermo.
“Bonus po ‘yong mga gano’ng award. It’s something to remind me na galingan ko pa ‘yong ginagawa ko. Na through my hardwork ay nari-recognize.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan