OBSERBASYON DIN ng iba, matapos silang mag-break ni Sheena Halili, mas lalong umariba ang career ni Rocco Nacino. At kahit naman daw ang aktres, gumanda rin ang career dahil nabigyan ito ng magandang break at role ngayon sa Binoy Henyo.
Dahil dito, natanong namin si Rocco last time kung naniniwala ba siya na minsan ay talagang malaking sagabal ang lovelife sa gowth ng career ng isang artista?
“I don’t know. Hindi ko lang alam kung totoo ‘yan,” nangiti niyang sagot. “Pero siguro ano… tamang timing lang lahat no’ng pagpasok ng projects kaya nangyari ‘yon. Hindi ko masasabing naging sagabal sa career ‘yong relationship namin ni Sheena before. Hindi.”
Matatagalan pa ba bago muli siyang magkaroon ng bagong karelasyon o lovelife?
“I don’t know. Let’s see. Ako… hindi ko nga iniisip ‘yon, e,” napahalakhak na sabi pa ng aktor.
“Hindi ko nga naiisip ‘yong ganyan. Ang nasa isip ko lang… bangon, trabaho. Tapos uwi, pahinga. Aral. So, I don’t know.”
Kumusta naman sila ni Lovi sa set ng Akin Pa Rin Ang Bukas, ang bagong soap na kanilang pinagtatambalan, kung saan ka-love traingel nila si Cesar Montano?
“Masaya. Nag-i-enjoy kami ni Lovi sa mga ginagawa namin sa taping. Dahil napaka-interesting ng characters namin. Lalo na ‘yong sa akin.”
First time pa lang niya to work with Cesar Montano. How was their first few scenes together?
“Pinakaunang eksena nga namin, confrontation pa. Kinakabahan ako… grabe! Sobrang kinakabahan ako. Na confrontation ‘yong scene tapos kailangang ipakita ko na parang… kaya kita. Kaya ko si Cesar, parang gano’n. Bago iyon, kinakausap ko na si Kuya Cesar. Nag-uusap kami sa basketball. Para maging at ease kami. And it helped.!”
Hindi pa nakakapagsimulang mag-shooting si Rocco Nacino para sa pagbibidahan niyang bio-film na San Pedro Calungsod: Batang Martir. Isa ito sa entries sa Metro Manila Film Festival sa December.
“Nag-aaral ako ng Spanish, Latin, at saka Bisaya. Malapit na kaming mag-start ng shooting. Ang tagal nang ginagawang preparation para sa San Pedro Calungsod. Talagang… a lot of preparations. A lot of research. And a lot of studying. Nag-i-enjoy ako dahil nag-aaral ako ulit. Parang… going back to school. Very pressured and very nervous ako. Mas napi-pressure kasi ako rito, kasi ang dami kong ginagawa.”
Bukod kasi sa Akin Pa Rin Ang Bukas, nagti-taping din siya sa Titser, ang ikalawang docu-drama ng GMA News TV 11 kung saan title role si Lovi.
“Once siguro na matapos ko ang Titser, magkakaroon na ako ng oras to shoot for San Pedro Calungsod. Lalabas ako sa last few episodes ng Titser. Tapos segue na rin iyon sa Bayan Ko season 2,” pagtukoy niya sa first docu-drama ng GMA NEWS TV 11 pa rin kung saan siya naman ang gumanap na lead role.
“Sa Titser, ako pa rin si Mayor Joseph Santiago, ‘yong character ko sa Bayan Ko. Ikukunek ‘yong character ko sa character ni Lovi bilang mahirap na estudyante na matapos mag-graduate ng valedictorian sa high school ay nagpurisiging maging Titser. Sabi nga ni Lovi, alam na alam niya kung kailan ako in character. Kasi iba raw ang tindig ko. Iba na ako kung maglakad. Iba na akong magsalita.”
Mai-inlove ba si Titser (Lovi) kay Mayor na character nga niya?
“Magkakakilala kami. At parang may mamumuong something. Kasi sa story, mamamatayan ako ng asawa, e.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan