Matapos ang dalawang taon at halos apat na buwan, natagpuan na ang umano’y bangkay ni Ruby Rose Barrameda Jimenez, ang nawawalang kapatid ng dating beauty queen-actress na si Rochelle Barrameda. Natagpuang naka-semento sa isang drum ang bangkay na nakapaloob sa isang malaking box na bakal. Dalawang linggong naghanap at sinisid ng otoridad ang dagat malapit sa Navotas Port subalit kahapon lang ng umaga natagpuan ang naturang drum. Hapon na nang naiahon ito at saka pa lang dinala sa sa crime lab ng Camp Crame para ma-identify.
Hindi napigilan ng pamilya ni Ruby Rose ang maging emosyonal nang makita ang lalagyan. Ayon sa otoridad, isang dating kasamahan ng grupong dumukot umano kay Ruby Rose ang nag-tip kung nasaan ang bangkay ni Ruby Rose matapos nitong tumiwalag sa grupo.
Marso 2007 pa nang huling makita at makausap ni Rochelle ang noo’y 26 taong-gulang na kapatid. Nagpaalam daw itong pupunta ng bangko para mag-withdraw at pagkatapos ay dadalawin ang mga anak na nasa kostudiya ng dati nitong asawang si Manuel Jimenez III. Alas-kuwatro ng hapon, tinawagan daw ito ni Rochelle subalit hindi na n’ya nakausap ang kapatid dahil naka-off na raw ang cellphone.
Nagsadya na agad si Rochelle at ang ama sa tanggapan ng PACER at inireport ang pagkawala ng kapatid. Nagbigay din sila ng kalahating milyong pisong pabuya o P500,000 para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni RubyRose. Subalit bigo ang pamilya.
Matatandaan na isang Jun Panuncio ang hinuli ng otoridad dahil nakipag-ugnayan ito sa pamilya Barrameda at humihingi ng malaking halaga kapalit ng impormasyong nalalaman niya. Subalit nang masakote, sinabi nito Panuncio na imbento lang niya ang mga kwento at ginawa umano niya ito para sa makakuha ng pera.
Samantala, itinanggi naman ng dating asawa ni Ruby Rose na may kinalaman siya sa pagkawala nito lalo pa’t iniuugnay siya rito. Nagsampa raw kasi ng custody case si Ruby Rose laban sa asawa matapos nilang maghiwalay noong Enero 2007.
Photos by Luz Candaba