NU’NG WEDNESDAY ang birthday ni Rochelle Pangilinan. Pero wala raw siyang celebration. May taping daw kasi siya ng Broken Vow.
Happy raw si Rochelle na marami siyang trabaho ngayon. Bukod sa Party Pilipinas at Broken Vow, ginagawa rin niya ngayon ang Ilocano epic film na Lam-Ang, kung saan leading lady siya ni Rocco Nacino.
Wish niya on her birthday raw… good health para sa buong pamilya niya. At saka mas maraming trabaho pang pagkakaabalahan.
Medyo kinilig pa siya nang matanong kung ano naman ang birthday gift sa kanya ng boyfriend niyang si Arthur Solinap.
“Actually, pinapili niya ako. Tinanong niya kung ano ang gusto kong gift. Sabi ko, bakasyon kahit three days lang. Iba kasi ‘yong bakasyon. Kinikilig ako! Ha-ha-ha! Secret na lang kung saan.”
Tila lalo pa siyang kinilig sa biro naming baka mag-propose na rin sa kanya ng kasal si Arthur.
“Huwag ka nga! Hindi ko nga iyon iniisip, eh! Ha-ha-ha!”
Pero ready na siya in case mag-propose na nga si Arthur?
“Alam niya ‘yan. Lagi akong ready.”
Totoo bang nag-iipon na sila ngayon para sa wedding?
“Actually, hindi pinag-iipunan. Hindi kasi ako pabor na gastusan nang husto kung may wedding nga. Hindi ako pabor sa magara o mabongga na wedding. So, mas ako do’n sa future kasi, eh. Mas gusto kong gastusan ‘yong sa panganganak ko. ‘Yong mga gano’n? Pagdating sa wedding, mas gusto ko talaga ‘yong simple lang. At kahit saang venue, okey lang sa akin. Kung anuman ‘yong ibibigay niya sa akin. Basta ang importantre, kasal kami sa mata ng Diyos. Kahit saan niya ako dalhin. Kahit diyan lang sa tabi-tabi. Kahit pa nga ang reception ay sa isang burger outlet, carry na ako! Ha-ha-ha! O kaya pag-propose niya, may pari nang bitbit, carry na ako! Ha-ha-ha! ‘Di ba? Kahit saan. Kasi mahirap sa panahon ngayon.
“Sabi ko naman sa kanya… bigyan mo ako ng hanggang after two years. So, isang taon na lang. May mga binabayaran pa kasi ako. Siyempre, kailangan ko munang i-settle iyon lahat. Kailangang planado. Oo. Kasi mahirap naman kung bibiglain mo ako na… surprise na surprise na aalis lang tayo. Ha-ha-ha! ‘Di ba? Ibang klaseng ano iyon, eh… ibang klaseng hakbang sa buhay. Iba ‘yon.”
Speaking of Lam Ang, proud na proud daw si Rochelle sa nasabing indie film.
“Kasi first time kong magkaroon ng ganitong klaseng fights scenes na talagang niligid ko ‘yong buong bahay hanggang sa ibabaw ng bubong, tumatakbo ako, nakikipag-away ako kay Rocco.”
Matitindi raw ang fight scenes nila. Si Rocco, napilayan habang ginagawa nila ito. Siya naman daw, nasugatan.
“Pero magaling na naman siya,” sabay pakita niya sa naghilom nang sugat sa kanyang kanang kamay. “Nagulat lang ako na after ng take, tumutulo na ‘yong dugo. May training naman na nangyari. Eight days na training ‘yon. Do’n sa training, nahirapan ako. Pero no’ng sa mismong shooting na namin, okey na. Mabuti na lang pareho kaming dancer. Kasi pareho kaming may beat. So, do’n kami nagkakasundo.
Hindi siya nadi-distract na nakabahag lang si Rocco habang kaeksena niya?
“Hindi. Kasi nasanay na ako dati sa Amaya,” natawa si Rochelle. “Lahat ng lalaking cast ng Amaya, nakabahag. Paroo’t parito. Kaya… okey lang.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan