Ipinagpasa-diyos na lang ni Quezon City Councilor Roderick Paulate ang hatol na guilty ng Office of the Ombudsman kasong nag-ugat sa pagkakaroon ng “ghost employees” sa kanyang opisina.
Bilang sagot sa tanong ng isa niyang Instagram follower, sinabi ni Roderick Paulate na “…truth will prevail. God is just! He knows the truth.”
Tanong kasi ni “castenmichael”, “TINANGGAL KA SA PWESTO BAKIT HINDI MO IPAGTANGGOL SARILI MO SA MEIA GRABE YAN KASO SAYO KUYA DICK”
Sa sagot ni Roderick, nalulungkot umano siya na masyadong pinalaki ang isyu. Tugon niya, “Nakakalingkot nga kasi minsan oa ang news.. Hindi naman ito malaki sobrang pinalalaki lang nga mga nasa likod nito ang Kasinungalingan ito.. Sad to say, maraming humusga na kahit di nila naiintindihan ang nangyayari sa akin..Tinaon nila sa election period na.. Basta truth will prevail. God is just! He knows the truth. Salamat sayo. @castenmichael”
Nitong mga nakalipas na araw, laman ng balita ang pag-dismiss ng Ombudsman kay Roderick, gayun din
kay QC councilor Francisco Calalay at mga city liaison officers na sina Flordeliza Alvarez at Vicente Bajamunde sa kasong falsification of official documents, serious dishonesty, at grave misconduct. Pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang resolusyon para rito.
Maliban sa dismissal sa kanilang apat, kabilang din sa parusang ipinataw sa kanila ang accessory penalties of perpetual disqualification from holding public office, cancellation of eligibility, at forfeiture of retirement benefits.
Kinumpirma na ng Public Information and Media Relations Bureau (PIMRB) ang dismissal order sa apat na pinirmahan ni Morales, pero wala pang inilalabas na press statement ang Office of the Ombudsman hinggil sa resolusyon.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman sa kaso,nadiskubre nilang may 60 ghost employees sa mga posisyong field inspectors, district coordinators, at office aides.
Natuklasan ng Ombudsman na hindi totoong tao ang mga empleyado at napupunta kina Roderick at Calalay ang mga sahod ng mga ito.
By Parazzi Boy