NAKAKAKILABOT ANG istorya ng pelikulang Maria Labo na launching movie ni Kate Brios na dinirek ng award-winning actor na si Roi Vinzon. Siya ang aswang galing Iloilo na kumatay sa kanyang mga anak at inihain sa kanyang asawa matapos niynga pagpistahan ang mga ito. Kinatatakutan siya lalo na sa Visayas. May mga nagsasabing galing si Maria Labo sa Capiz at Sorsogon. Hindi nga lang malinaw kung totoo nga ito. Nang dahil sa kakaibang kuwentong kakila- kilabot, na-inspire ang batikang actor/director na si Roi Vinzon gawin itong pelikula.
As a director, pangatlong pelikula na ito ni Direk Vinzon. Ang first directorial job niya ay ang Pulis at ang pangalawa, ang Boy Indian. Hindi nga lang na-promote ang nasabing pelikula dahil na rin sa kakulangan ng budget. Naniniwala ang actor/director na malaki ang maitutulong ng media para i-promote ang isang pelikula kahit indie film pa ito.
Nagtataka si Direk Vinzon kung bakit hindi nagtuloy-tuloy ang pagdi-direk niya ng pelikula. Hindi raw kasi na promote ang pelikula niyang Boy Indian kaya hindi ito kumita sa takilya. Kung ‘yun daw nabigyan ng publicities siguro nagtuloy-tuloy siya as a director. “Direk na nga ang tawag nila sa akin. Bigla akong umalis, nanahimik muna sa paggawa ng pelikula. Mahirap ding maging director, pagkatapos mong gawin ang pelikula, post-production ka pa. Lahat kailangan mong tutukan, mula sa editing, sound, dubbing, etc. Exit muna ako, nag-concentrate muna ako sa pamilya as a husband and a father to my children. Sila muna ang naging priority ko, inasikaso ko ‘yung farm ko sa probinsiya. Happy naman ako living a normal life with my family. Mahirap maging director, mas malaki pa ang kita ng actor,” kuwento niya sa amin.
As an artist, nasa puso pa rin ni Roi ang pagiging actor/director. Para sa kanya, malaking challenge ang pagiging director kahit nakapapagod itong gawin. “‘Yung bang dati na hindi ginagawa sa akin, na-challenge ako. ‘Yung hindi ginagawa sa akin sa film gagawin ko ngayon. Kailangan lang isapuso mo ‘yung ginagawa mo. Na-realize ko na ang passion ko nasa acting at pagdi-direk ng pelikula. Gusto ko itong ginagawa ko at ini-enjoy ko. I love doing movies…” say niya.
Hindi kaila sa ating produkto si Roi ng batikang director na si Lino Brocka. Hindi na rin mabilang ang mga awards na kanyang natanggap sa iba’t ibang award-giving bodies. May tatak kayang La Brocka ang indie film niyang Maria Lobo? “Ibang klaseng director ang yumaong Lino Brocka. Napaka-cool niyang mag-direk, imo-motivate ka niya before the scene. Malumanay siyang magsalita, klaro, madaling maintindihan. Hindi siya sumisigaw sa set. Tatanungin niya ang artista kung ready na kami for take. Marami akong natutunan kay Direk Lino na ina-apply ko ngayon sa aking mga artista dito sa Maria Lobo,” pahayag ng actor/ director.
Bakit nga ba isang baguhang tulad ni Kate Brios ang kinuha ni Direk Vinzon for the title role? “Gusto ko baguhan ang gaganap na Maria Lobo. Ayaw kong ‘yung may pangalan na para mas exciting, kailangang bago at bagay sa kanya ‘yung role. Sa Hollywood nga, karamihan sa mga horror films, puro baguhan pero kumikita ang pelikula. Basta maganda ang istorya at maganda ang pagkaka-direk, panonoorin ito ng publiko. Nakita ko kay Kate, perfect siya for the role, kailangan lang i-guide, i-motivate mo siya ng tamang acting at i-workshop.
Madali naman siyang turuan, nakukuha agad niya ang gusto kong mangyari sa bawat eksena. Ini-enjoy naman niya ang shooting namin. Wala siyang pakialam kung patalunin ko siya, gumulong sa lupa . Wala kang maririnig na reklamo mula sa kanya. She can act, nakikipagsabayan na nga siya sa aktingan kina Jestoni Alarcon, Dennis Padilla, at Sam Pinto. Nang matapos nga namin ang pelikula, may follow-up agad kaming gagawin,” tugon ni Direk Roi.
Maging ang baguhang si Kate Brios ay bilib sa style ni Roi as a director. At first, ayaw sana niyang mag-artista, mas gusto pa nitong maging producer na lang. Paliwanag ng actress-producer, “Magaling ang convincing power ni Direk Roi. Sinabi niya, bagay sa akin ‘yung role ni Maria Lobo. Pumayag ako, gusto kong subukan. Nag-workshop kami para ma-feel ko ‘yung character na ipo-portray ko as Maria Labo. Masarap katrabaho si Roi, sasabihin niya kung ano ang dapat kong gawin sa bawat eksena. Buong cast very supportive, sina Baron Geiser, Mon Confiado, Rez Cortez, at Rey ‘PJ’ Abellana.”
Nang dahil sa teleseryeng “My Husband Lover” naging active uli si Roi as an actor. Nagkasunuod-sunod na ang TV at movie offer sa kanya. Katunayan nga, si Roi Vinzon ang kauna-unahang veteran actor na inoperan ng GMA 7 ng exclusive contract for 5 years. “Siyempre, tinanggap ko and I am very thankful to them sa pagtitiwalang ibinigay nila sa akin. May bago akong soap na gagawin sa Kapuso Network. Kahit magiging busy ako sa pagdi-direk ng indie film, continuous pa rin ang paggawa ko ng show sa Kapuso Network.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield