KASAMA SI Romnick Sarmenta sa cast ng Cinemalaya entry na Hustiya na idinirek ni Joel Lamangan. Bida rito si Nora Aunor na first time niyang makasama sa pelikula.
“Enjoy ako sa panahong sinu-shoot namin ito,” aniya. “Magaan naman sa set. Kahit mahirap at mabigat ‘yong role ko bilang isang investigative journalist. Do’n sa buong story, parang pinalalabas namin na siya lang actually ‘yong may integrity. Siya lang ‘yong may sense of justice.
“Si Ate Guy, hindi mo maidi-describe kapag kaeksena mo siya, e. Sa pelikula, kami ang madalas na magkasama sa eksena. And… iba talagang kaeksena si Ate Guy. Kasi kahit gaano kasimple ang eksena, alam mong nakakulong ang reyalidad na ‘yon sa mga oras na iyon. Alam mong iyon ang character na kausap mo. Gano’n. Tapos after no’ng eksena, wala lang. Magaan lang. Parang kabarkada mo ‘yong katrabaho mo. Na ikaw naman, gusto mo lang ibigay ‘yong tamang paggalang dahil si Ate Guy ‘yon, e.”
May isang big scene daw na ginawa si Romnick kasama ang Superstar. Pero ayaw niyang magdetalye tungkol dito.
“Hindi ko maibigay, e. Integral siya do’n sa character ko at saka sa takbo ng istorya. Pero sabihin na lang natin na iyon ‘yong tipo ng eksena na kami bilang mga nasa eksena, gusto talaga naming paghandaan ‘yon. Kasi physically and emotionally draining siya, e. So, nando’n ‘yong drive na gusto namin talagang magawa iyon nang maayos. Excited ako do’n sa scene na ‘yon. Maganda naman siyang lumabas.”
May pressure ba siyang naramdaman dahil bukod sa big scene na iyon ay si Nora nga ang kanyang kaeksena?
“Si Ate Guy ‘yon, e!” sabay tawa ni Romnick. “Kapag si Ate Guy ang kaeksena mo, lagi namang may pressure.”
Isa ba siya sa mga artistang masasabing Noranian?
“Ako… non-partisan ako in the sense na hindi ako Vilmanian, hindi ako Noranian. Magkaibang-magkaiba sila. Pero at the same time parehong-pareho sila. ‘Yong pareho silang icon ng industriya. Pareho silang maraming iniambag. Pareho silang may kakaibang galing pagdating sa pagtawid ng character. Tapos at the same time nga, hindi sila pareho.”
Nakatrabaho na rin ba niya si Vilma?
“Sa movie, hindi pa. Nakasama ko lang siya noon sa guestings ko sa show niya na VIP (Vilma In Person). “Pero acting… wala. Wala pa. Sina Ate Guy at Ate Vi, kayang-kaya ka nilang lamunin nang buong-buo sa eksena, e. Iba silang umarte. ‘Yong… ano pang hihingiin mo e, ‘yon na iyon, e. ‘Di ba? You cannot expect for less.”
Ideal couple ang tingin ng marami kina Romnick at asawa niyang si Harlene Bautista. Para nga lang silang laging bagong kasal na very sweet pa rin sa isa’t isa.
“Date. Nagdi-date kami at least once a week. ‘Yong date na kaming dalawa lang talaga. Wala ‘yong mga bata. Kakain kami sa labas. O kaya manonood ng sine.”
‘Yong ibang showbiz couple, nahihirapang mag-maintain ng matatag na pagsasama. Anong advice ang puwede niyang maibahagi?
“Maging totoo ka sa asawa mo. ‘Yon lang.”
May mga lalaki na hindi kayang maging faithful sa kanilang karelasyon. Lalo kapag sadyang lapitin ng tukso.
“‘Yong mga lumalapit na nagpapakita ng motibo, hindi naman mawawala ‘yon, e. Kaya lang, hindi ko kayang mawala ‘yong pamilya ko. Hindi ko kayang mawala ‘yong mga anak ko. Hindi ko kayang mawala ‘yong asawa ko. So, hindi ko na gugustuhin ‘yong gano’n. Okey na ako.”
Fifteen years na silang mag-asawa ni Harlene. Next year daw ay plano nilang mag-renew ng kanilang marriage vow.
“Technically, next year ‘yong fifteenth wedding anniversary namin. Kasi ‘yong church wedding namin… noong 2000, e. So, magpapakasal kami ulit. Pero simpleng wedding lang.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan