Romnick Sarmienta, pokus sa kanilang resto business; priority ang pamilya

Romnick Sarmienta
Romnick Sarmienta

Priority ngayon ni Romnick Sarmienta ang kanyang pamilya kaya lie low muna siya sa paggawa ng pelikula. Naka-focus din sila ni Harlene Bautista sa bago nilang resto business na Salu Filipino restaurant na nasa Scout Torillo cor. Scout Fernandez near Timog, Quezon City.

Sabi niya, “By choice po kasi, gusto kong mabantayan ‘yung mga anak kong lima.”

Seventeen years nang mag-asawa sina Romnick Sarmienta at Harlene. Masasabing almost perfect ang kanilang relationship.

Paliwanag ng actor, “Kasi kami, noong time na magpakasal kami, sigurado kami na okay kami. May mga pagdaraan kayo, pero sa amin, with the grace of God ‘yung mga pinagdaan namin na siguro sa iba magkakalamat ‘yung relasyon, sa amin mas lalong tumitibay. Never sumagi sa isipan namin ‘yung kapag nag- away, ayaw ko na. Hindi uso sa amin ‘yun.”

Inamin ng mag-asawang Nick at Harlene na magkasundo sila sa maraming bagay at mahaba ang kanilang pasensiya sa isa’t isa.

“Palagay ko pantay lang, mas expressive lang siguro ako. Pero kapag ako naman ang sumasablay, napakapasenyosa rin naman niya,” paliwanag ng actor.

Tatlo pala sa mga anak nina Romnick at Harlene ang gustong mag-artista. Willing naman silang suportahan ang mga ito.

“Sinasabi naman namin sa kanila, kung gusto talaga nila, sabihin nila. Nahihiya naman.  Kung mangyayari talaga, mangyayari talaga, hindi namin sila pipigilan. Gusto lang namin, hindi sila napipilitan, at the same time, hindi magpapabaya sa pag-aral,” say ni Nick.

Para kay Romnick, pareho lang sila ni Harlene na disciplinarian pagdating sa mga anak nila.

“Palagay ko balance lang. May oras na disciplinarian ako, may oras naman siya. Tapos, mas madalas lang ako, parang ganu’n. Mas gusto nilang kausap si Mama, kasi mas madali siyang kausap. Kapag hindi nila mapapayag si Mama, kakausapin nila ako. Tatanungin nila kung puwede sa akin, pantay lang.”

Mas nami-miss ni Harlene ang theatre. More than a decade (2007) nang huli siyang nag-stage play.

Wika nga ni Romnick, “Actually, feeling ko as an actor, mas nakami-miss ‘yung theatre, kasi simultaneous ‘yung reaction, nakikita mo agad ang reaction ng audience. Hindi tulad ng pelikula, pagkatapos mo ng pelikula, ilangbuwan kang kakabahan ‘pag lumabas na ito. Tapos, kinakabahan ka pa,  baka mamaya, napirata na bago pa ipalabas. Hindi tulad ng theatre, practice, practice lang ‘pag labas, tapos agad. Mas rewarding for me ang theatre. Nakami-miss ding gumawa ng pelikula, kailangang maganda talaga ang istorya, ‘yung para sa masa, ‘yung para sa audience talaga.”

Magkatuwang sina Romnick at Harlene sa bago nilang resto business. “Tinutulungan ko si misis. Actually, babalik pa kami sa biyahe, marami pa kaming gustong puntahang lugar (probinsiya) na ire-rediscover pati mga pagkain.”

Nag-start ‘yung concept nila sa Salu restaurant late last year. Nakuha nila month of February 2016, nag-open sila ng June. Hindi man kumuha ng kursong culinary ang mag-asawang Romnick at Harlene, mahilig sila parehong magluto sa bahay.

“Marami kaming na-discover, marami pa palang hindi napi-feature at hindi naipakikilalang pagkaing Filipino. Ang isa pang napag-alaman namin, maraming nasa Maynila na hindi naman talaga taga- Maynila. Kunwari, taga-Quezon ka, mami-miss mo ‘yung Pahiyas. Punta ka rito sa amin (Salu resto), kasi mayroon kaming hardinera, pancit lucban, makakain mo ‘yung fiesta rito. May 67 kaming choices na mapagpipilian ninyo sa Salu menu namin, chapter 1 palang ‘yun. Ang dami pa naming hindi naisasama sa dami ng pagkaing puwedeng i-explore. ‘Pag Sunday, may buffet kami, lahat ng best seller namin nakalalabas. Lunch and dinner namin, magkaiba ‘yun. We tried na tatlo sa bestseller namin, nandu’n sa buffet. Ang chef namin, international, galing siya sa multi-national companies,” pagmamalaking kuwento ni Romnick.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

Previous articleSylvia Sanchez, hinding-hindi iiwan ang “kapatid” na si Smokey Manaloto
Next articleMarion Aunor, humakot ng 8 nominations sa Awit Awards

No posts to display