MABIBILANG SA daliri ang mga artista na hindi nagyo-yosi sa shooting ng kanilang pelikula. Tulad ni Ronnie Ricketts na magmula pa noon hanggang sa maupo siyang OMB Chairman ay hindi nagyo-yosi.
Simula rin nang maging OMB Chairman siya ay hindi na siya tumanggap ng movie project para makapag-concentrate sa kanyang trabaho. Lately lang siya nakapag-adjust kaya natuwa si Boss Vic del Rosario na naghikayat at nagsabi sa kanyang gumawa uli ng pelikula.
Isang taong binuo ni Ronnie ang The Fighting Chefs na siya rin ang nag-direk, kung saan makakasama niya sina Kusina Master Boy Logro, Vandolph, Joross Gamboa, Arci Muñoz, Roi Vinzon, Dinky Doo, Yoyong Martires, atbp.
Kaya lang, may kundisyon si Chairman Ronnie kay Boss Vic bago tinanggap ang project – bawal manigarilyo sa shooting ng kahit sinong artistang makakasama sa movie.
Eversince naman kasi ay clean living na ang gustong pairalin ni Ronnie. Maging professional sa trabaho at bawal na may male-late sa shooting para matapos sa itinakdang araw.
Naniniwala rin si Ronnie na hindi na kailangan sa isang artista na naniningarilyo sa eksenang ginagawa or pino-portray nito. Kung magaling ka raw artista, hindi na kailangang mag-emote na kailangang nagyo-yosi ka para makaarte.
“Naniniwala ako sa proper time management kaya walang problem. Kaya nga pinaiiral ko na walang male-late sa shooting para maagang makatapos ng trabaho,” paliwanag ni RR nang tanungin kung paano niya napagsasabay ang pagiging actor na hindi maapektuhan ang kanyang trabaho as OMB Chairman.
Pinagdiinan din ni RR na walang puwedeng magsigarilyo sa set. Puwede raw silang maghanap ng isang area na roon lang sila magsisigarilyo.
ILAN SA katanungan ng press kay Michelle Madrigal ay kung bigo na naman daw ba sa pag-ibig ang seksing actress? Nag-i-emote na naman daw ba ito?
Remember, kamakailan lang ay buong ningning niyang ikinuwento na masaya ang lovelife niya sa piling ng isang foreigner? Pero sa wala raw nauwi ang dapat sanang papagandang relasyon nila ng naturang dayuhan.
Sabi ay bigla raw lumipad mag-isa si Michelle patungong Hong Kong para takasan ang nagdurugong puso?
Sabi naman kasi na kung magmamahal ay siguradu-hing magkakaintindihan kayo sa lahat ng bagay. Knowing mga foreigner na malaki ang pagkakaiba kung paano magmahal ang isang Pinoy.
MAGTATAPOS NA ang kontrata ni Ryan Agoncillo sa TV5 next year, pero hanggang ngayon ay hindi pa masagot ng husband ni Judy Ann Santos kung magri-renew pa ito ng kontrata sa Kapatid Network sa susunod na taon.
Nang kulitin ng ilan press ang actor, pinagdiinan na ipauubaya na lang daw niya sa TV5. Ayaw raw kasi niyang pangunahan ang isang bagay na hindi pa nakalatag sa harapan niya. Gusto lang niya ay magtuloy-tuloy ang mga trabaho sa TV at magkaroon pa rin ng oras para sa kanyang pamilya.
Aminado si Ryan na may offer daw ang ibang TV network sa kanya next year na ikinu-consider niya.
MASAYANG KARANASAN ang laging sinasabi ni Kim Chiu nang makatrabaho ang Star for All Season na si Batangas Governor Vilma Santos sa The Healing.
“Marami akong natutunan kay Ate Vi as an actress and as a person. Tinulungan niya ako sa mabibigat na eksena sa The Healing. Sabi niya, ‘Huwag mong sasayangin ang eksena. Ibigay mo na, minsan lang ito mangyari. Huwag mong isipin na ako si Ate Vi’.
“Sobrang professional ang lahat ng katrabaho ko sa movie. Pagdating ko sa set, dapat kabisado ko na ang mga linya ko. Dapat handa na ako dahil sina Direk Chito Roño at Ate Vi ang mga kasama ko,” tsika ni Kim na bakas sa mukha ang kasiyahan.
Samantala, itinanggi ni Kim na masaya na muli ang puso niyang nasugatan. Although naka-move on na siya sa lungkot na dinanas, masaya na rin siya ngayon dahil maganda ang project na ipinagkakatiwala sa kanya ng Star Cinema.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo