Aminado si Ronwaldo Martin na hindi niya kayang gawin ang klase ng mga pelikulang pinagsimulan noon ng kapatid niyang si Coco Martin. Pang-wholesome daw siya hangga’t maari dahil ito rin ang gustong mangyari ng kapatid niya.
“Ayaw po niya. Siguro ayaw niya na pagdaanan ko rin ‘yung ginawa niya noon sa pelikula,” rason ni Ronwaldo.
Wala rin daw silang laswaan ng kasama niyang gay stage actor/director na si Raymond Francisco sa Sinag Maynila Film Festival entry na “Bhoy Intsik”.
“Parang tatay-tatayan ko siya sa pelikula, eh. Pareho kaming sanggano at laging magkaaway, pero sa huli, nakitira pa ako sa bahay niya sa sementeryo,” kuwento ng indie actor.
Samantala, tinanggap ni Ronwaldo ang role ni ‘Maron Pogi’ sa Bhoy Intsik dahil halos kapareho raw ito ng role niya sa critically-acclaimed film na “Pamilya Ordinaryo”.
“Siguro bagay lang sa akin ‘yung role kaya ako kinuha ni Direk Joel (Lamangan). Sabi niya, nagustuhan daw niya ako sa ‘Pamilya Ordinaryo’ kaya inilagay niya ako rito. Natatakot nga ako sa kanya, eh, lalo na ro’n sa eksenang kailangan kong umiyak, pero nagawa ko naman,” sambit pa niya.