ISANG MAGANDANG opportunity raw para sa younger brother ni Coco Martin na si Ronwaldo Martin na makasama sa trabaho si Nora Aunor. Ito ay sa pelikulang Kabisera na idinidirehe ng baguhan pero award-winning direktor nang si Real Florido.
“Noong unang sinabi na kasama ako sa pelikula ni Miss Nora, natuwa po ako. Tapos si Kuya (Coco), sabi niya ayusin at galingan ko raw po,” sabi ng 18 year old na baguhang aktor.
Kumusta ang experience niya na makatrabaho ang Superstar?
“Okey naman po. Hindi naman po ako naiilang sa kanya. Kasi mabait po siya at napaka-humble kahit kanino na kaharap niya.”
Panglimang pelikula na niya ang Kabisera. Una siyang lumabas sa indie film na Captive, sumunod ay sa Tumbang Preso, pagkatapos ay sa Kasal, at ang ikaapat ay sa Ari.
“Bukod po rito sa Kabisera, may isa pa po akong ginagawa ngayon, ‘yong Laot. Tapos may isa pa po akong gagawin, ‘yong Tuos naman po.”
Payo raw ng kanyang Kuya Coco, sa mga indie films muna raw siya lumabas. Saka na lang daw sa TV o sa teleserye kapag marunong na talaga siyang umarte.
“Kahit po nag-acting workshop na ako, feeling ko marami pa po akong dapat na matutunan pagdating sa pag-arte. So, kailangan ko po talaga ng sapat na experience sa acting,” sabi pa ng 18 year old na kapatid ni Coco.
May pressure ba na kailangang masundan niya ang yapak ng kanyang kuya at maging kasing-galing na aktor siya nito?
“Hindi naman po. Basta ayoko lang pong mapahiya sa Kuya ko o kaya po ay magkaroon ako ng bad reputation na puwedeng makaapekto rin sa kanya. Pinapangarap ko po siyempre na maging kasing-galing din niyang artista. Pero… mahirap po.”
Si Ferdinand Lapus ang manager ni Ronwaldo. Pero pagdating sa mga career decisions niya, dapat daw ay laging may konsultasyon din sa kanyang kuya.
“Siyempre po, gina-guide niya ako, e. Ayos lang po ‘yon sa akin. Makikinig po ako sa mga advice ni kuya. Kasi matagumpay siyang artista kaya kumbaga hindi ako mapapasama kung susunod ako sa kanya.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan