BASANG-BASA NG PAWIS si Governor Vilma Santos nang makaharap at makausap siya ng Pinoy Parazzi last Wednesday sa Kapitolyo ng Batangas sa mismong proclamation niya bilang re-elected governor.
“Ang masasabi ko lang, sobrang hirap ang dinanas ko ngayon sa pangangampanya dahil napagtulungan tayo ng tatlong partido. Pero heto at nakatayo tayo dahil sa tulong ng ating maraming kababayan na naniniwala sa aking kakayahan,” pahayag ni Ate Vi, na nagsabi pa sa amin na dalawang linggo silang magpapahinga ni Senator Ralph Recto.
“Habang hindi pa nagsisimula ang aming work dahil by July pa ang start, medyo magpapahinga lang kami. Masyado kasi kaming na-drain.”
Ayon pa rin kay Ate Vi, dobleng saya ang nararamdaman niya unlike last year na siya lang ang nanalo sa election. “This time, dalawa kami ni Ralph ang panalo at iyon ang pinakamalaking ipinagpapasalamat ko sa Itaas.”
Idinagdag pa ni Ate Vi na ang paggawa niya ng pelikula ay lalong malilimitahan dahil gusto raw niyang gawin ‘yung maraming bagay na makatutulong sa mas maraming kababayan.
Sa nasabing proclamation, nakausap din namin si Christopher de Leon na nanalo bilang Board Member sa Batangas, na nagsabing sobra-sobra raw ang pagpapasalamat niya sa Star for all Seasons, dahil tinulungan siya nito noong mga panahon ng pangangampanya. “Last year ay natalo ako, pero nasungkit din natin sa ikalawang pagkakataon,” sabi ni Boyet.
Sabi pa Boyet, magiging mapili na siya ngayon sa pagtanggap ng role ngayong board member na siya. “Siguro, hindi muna ako tatanggap ng mga rapist role,” sinabayan pa niya ng tawa.
Sa kabila ng init at sikip sa dami ng tao sa Kapitolyo ng Batanggas, naging masaya ang pakikipag-usap namin kina Boyet at Ate Vi.
NAKAUSAP NAMIN NANG sabay ang mag-asawang Senator Bong Revilla at Lani Mercado. Masaya ang mag-asawa sa pagkukuwento kung gaano ang hirap na kanilang dinanas sa nakaraang pangangampanya, lalo na sa side ni Lani dahil first time na tumakbo sa pulitika ng aktres.
“Nagpapasalamat ako nang malaki dahil nag-offer nga si Osang na tutulong siya sa akin at willing siyang mag-motorcade. Kaya lang, sayang at hindi natuloy kasi parang nagkaproblema yata sa schedule,” pahayag ni Lani, kasunod ng pagsasabi sa Pinoy Parazzi na okey na sila ni Rosanna Roces.
“Actually, gumugulo lang ang sitwasyon kapag may mga taong nanggagatong. Kaya sana, tigilan na natin ang intriga na iyan, maging masaya na tayo dahil okey na kami ni Osang,” sabi naman ni Bong na nag-number one sa pagka-senador sa nakaraang eleksiyon.
Sa kabilang banda, tanggap na pala ni Osang na tumira at mag-aral si Budoy sa poder ng mga Revilla at nakatakdang mag-aral ang kontrobersiyal na bata sa La Salle this coming school year.
“Ang sa amin lang, gusto naming makatiyak na magkakaron ng magandang kinabukan ang bata at natutuwa naman ako dahil hindi lang kami ni Lani at ni Jolo ang nagmamahal sa bata, dahil naririyan din si Osang na alam naman natin kung gaano niya kamahal ang bata,” pagtitiyak ni Bong na wala na ngang problema sa pagitan ng mga Revilla at ni Osang.
More Luck
by Morly Alinio