NAPANOOD N’YO ba ang interview ko sa anak ni Rosanna Roces na si Onyok? Naloka rin ako du’n, ha?
Matindi ang mga ibinunyag ni Onyok sa interbyung ‘yun at wala siyang takot na sinabing hanggang ngayon daw, nalululong pa rin daw sa droga ang nanay.
Grabe ang mga sinabi ni Onyok na mukhang isinara na niya ang posibilidad na magkaayos sila ng nanay niya.
Ang hindi raw niya kasi matanggap, siniraan daw siya ng nanay niya sa pinagtatrabahuan nito na muntik na niyang ikinatanggal sa trabaho. Ito ‘yung nag-away sila nu’ng nakaraang taon na umabot pa yata sa saksakan.
Kaya parang kinalimutan na talaga ni Onyok na nanay niya si Rosanna.
Nalungkot din ako sa inabot ng relasyon nilang mag-ina dahil nakita ko naman noon kung paano itinaguyod ni Rosanna ang kanyang mga anak. Nakapanghihinayang lang na umabot sa ganu’ng sitwasyon.
Ang sabi ni Onyok, pride lang daw ang umiral sa nanay niya at siguro hindi pa rin niya matanggap na iba na talaga ang katayuan niya ngayon kung ikumpara noon.
Siyempre, ang dami nang sikat ngayon at sana tinanggap na niya na hindi na niya panahon ngayon. Kaya lang, sa halip na ayusin ang career niya, lalo pa niya itong sinira.
Sa totoo lang, ang dami pang sinabi ni Onyok na hindi lang namin maipalabas dahil may mga madadamay. Mahirap na, day!
Sabi nga ni Onyok, lilipat na naman daw siya ng bahay dahil pagkatapos ng interbyung ‘yun, malamang na hahantingin na naman daw siya ng nanay niya.
Pero bilib din ako sa mga anak ni Rosanna, huh! Si Grace mabait at kahit ilang beses siyang nabuntis, tahimik lang siya at naging matinong nanay naman siya sa mga anak niya.
Si Onyok, maayos na rin ang buhay niya sa asawa niya at nagtatrabaho siya nang maayos sa isang call center.
Ang isa pang ikinagulat ko, kahit hindi nakapagtapos sa pag-aaral sina Onyok at Grace, maayos silang mag-isip.
Si Onyok, maayos kausap at nakitaan kong may wisdom siya sa mga pinagdaanan niya.
Na-touch nga ako nang sinabi ni Onyok na tingnan daw ang passport nila ni Grace, ang pangalan ko raw ang nakalagay doon na kontakin in case of emergency. Na-touch talaga ako du’n, kasi kahit anong away namin ng nanay niya, hindi talaga sila nangialam. Kaya labas naman sila sa kung ano man ang gulo namin ni Rosanna.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis