“Wala akong Diyos dati! Ang Diyos ko, pera!” Ito ang pag-amin ni Rosanna Roces sa aming interbyu sa ginanap na presscon para sa Anak Ng Macho Dancer kung saan kasama siya sa cast at gaganap na ina ng bidang si Sean de Guzman.
“Pero noong Natutulog Ba Ang Diyos (TV series), that time, nagbalik-loob na rin ako sa Diyos, di ba? Pero naagaw din uli ako ng… nag-backslide agad ako. Nagtampisaw na naman ako sa kasalanan,” pagtatapat niya.
Pero dahil sa pandemic ay naging prayerful daw siya ulit.
Aniya, “Ngayong pandemic, medyo… Magkakaroon ka nang personal na ugnayan sa Diyos, sa ayaw at sa gusto mo.”
Na-realize din ng dating Titillating Film Queen na gusto niyang bumawi sa mga taga-showbiz na inaway niya noon at pinasakit ang ulo dahil sa kanyang pag-uugali.
“Naku, marami sila. Karamihan production. Ang dami kong inaway di ba? Kung may award nga ng pinakamaraming inaway sa showbiz ako yon. Ha-ha-ha!” sabay tawa niya.
“Pero kasi ngayon, ang uso kasi ngayon pinakamagaang katrabaho yon ang kukunin. Hindi na uso yung pagalingan na din, eh, ang daming magaling, eh. Kung sino ang pinakamagaang katrabaho, yon ang kinukuha. Hindi ka na puwedeng magloka-lokahan ngayon. Award ka, wala kang project,” dagdag ni Osang.
Ibinahagi rin ng aktres na kahit papaano ay naitama na rin niya ang naging kasalanan niya noon sa ABS-CBN.
“Medyo naitama ko na yung mali ko sa Channel 2. Sakit din ako ng ulo nila dati. Hindi ko alam kasi dati na pag nag-taping, pag-umoo ka, pag tinanggap mo yon na talagang kahit may lagnat ka hindi ka puwedeng magpahinga – kailangan kang mag-taping,” pagbabalik-tanaw ng dating Pamila Ko star.
“Hindi ko yon nauunawaan dati. Ang sa akin pag may sakit ako hindi ako papasok. So ang ginawa ko dahil nga si RSB (Direk Ruel S. Bayani) yung nagbigay sa akin ng chance sa mga teleserye sa ABS-CBN.
“So itong mga bagong projects na dumarating kaya ako kinukuha kasi sabi ni RSB, ‘Okey na ‘to, eh.’ So hindi ako puwedeng magloko din dito kasi ipapahiya ko si RSB, di ba?” tuluy-tuloy niyang pahayag.
Babawi din daw siya sa director ng Anak ng Macho Dancer na si Joel Lamangan.
“Talagang doble ang effort ko ngayon. Kaya dito sa Anak ng Macho Dancer, doble effort ako dito kasi nung huli akong gumawa sa kanya (sa pelikulang Hustisya) pinasakit ko ang ulo nila. Ibig sabihin no’n kung 7 ang calltime dapat 5:30 or six nasa set na ako at ready na. Ayos na ako. Lahat, memorized ko na,” deklara pa ng award-winning actress.