SA TELEPONO lang nagkakausap dati ang Master Showman na si German Moreno at ang X Factor Israel winner na si Rose ‘Osang’ Fostanes. Finally, nagkita na sila in person nang i-unveil ang pangalan ni Osang sa Walk Of Fame. Naganap ito noong Linggo, April 5, sa City Walk, sa Eastwood, Libis, Quezon City.
“First time na may OFW na nalagay rito sa Walk Of Fame,” masayang pahayag ni Kuya Germs. “You know, I was watching her. Meron akong koleksiyon ng mga ipinanalo niyang awitin. At talagang nakakabilib naman siya. Kaya sabi ko nga, I hope na magkaroon ako ng pagkakataon na ma-meet ko siya kung siya ay uuwi rito sa ating bansa.
“And konting paliwanag din, dito sa hanay ng mga pangalan kung saan kabilang siya, eh meron tayong mga internationally known personalities. Like si Robert Lopez na isa ring Pilipino na nagbigay sa atin ng karangalan,” pagtukoy pa niya sa composer ng Let It Go na nanalong best theme song sa Oscars para sa pelikulang Frozen.
“Si Andreson Cooper, narito rin. Si Justine Bieber at saka si Paul Walker dahil sa nangyari nga na pagtulong nila sa Yolanda victims. So, ang lahat ng ‘yan ay ina-appreciate natin. Sapagkat kung napupuna man ng iba na meron tayong isinasali na mga pangalan dito na hindi Pilipino, eh ito lang ang Walk Of Fame – Philippines na ang lahat ay bibigyan ko ng pagpapahalaga. Basta nakakatulong sa ating entertainment. At sa ating bansa.”
HINDI PA rin daw nagsi-sink in kay Rose ‘Osang’ Fontanes ang tagumpay at kasikatang niya ngayon mula nga nang manalo sa X Factor Israel.
“Hindi po ako talaga makapaniwala na aabot sa ganito,” aniya. “Hindi ko ito pinangarap, eh. Pero dumating. Siguro bigay talaga ni Lord. Na ganito talaga ang mangyari, kaya malaki po talaga ang pasasalamat ko.
“Masaya po ako talaga. Masayang-masaya na napabilang ang pangalan ko rito sa Walk Of Fame. Nagpapasalamat ako kay Kuya Germs. Talagang hindi ko ito makakalimutan.
“Siguro hanggang sa dumating ang panahong nagkaroon na ako ng mga apo-apo at ako’y tumanda na, dadalhin ko sila rito at ipapakita ko ‘yong pangalan ko rito sa kanila.”
First time lang nilang mag-meet in person ng kilalang Master Showman ng bansa. How was the feeling?
“Parang isang panaginip!” natawang sabi ni Osang. “Dati pinapanood ko lang siya. Hindi ko alam na darating ang panahong mami-meet ko siya in person. Naku, malaking karangalan din na ma-meet ko siya. Kaya nga pagdating sa mga ganitong imbitasyon, basta ‘pag si Kuya Germs talaga… hindi ko siya pahihindian.”
Ikalawang beses na ng pag-uwi niya sa Pilipinas. Kasama niya ang kanyang manager na Israeli, si Shiomi Elisar ng Aromi Music na siyang producer ng kanyang album sa Isreel.
“Tinapos namin ‘yong mga hindi namin natapos no’ng first time na nagpunta kami rito. Para makapag-focus naman kami do’n sa ginagawa kong album sa Israel. Mailalabas siguro ‘yong album ko… mga August siguro. All original songs ang laman nito. Maglalagay lang yata sila ng dalawang songs na Tagalog. And the rest of the songs, English po. Pero meron din po silang iniligay na mga kinanta ko nang live sa X Factor. Idadagdag po rin nila.”
Bukod sa album, ano pa ang ibang aabangan sa kanya?
“Naku, marami po. Katunayan po, pag-uwi ko sa Israel sa April 8, sa April 9 po ay meron akong show kaagad. Tapos sa May, magkakaroon po ako ng apat na concert sa Australia. Baka po magkaroon din sa Hong Kong. Tapos sa Pilipinas, sabi nila, baka mga September po yata.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan