Rose Tattoo

ORIHINAL NA inawit ni American singer Perry Como. Subalit sa mga Pinoy nu’ng dekada ‘60 at ’70, ang awit na Rose Tattoo ay binuhay at pinatanyag ng yumaong Dionedes Maturan. Isang araw, sa “Dr. Love” program ni Bro. Jun Banaag sa DZMM, sumahimpapawid ang awitin sa gitna ng aking siesta. Dagli akong napukaw sa pagkakaidlip. Humikab nang malalim. Itinapon ang play pillow sa tabi ng kama. At sa wikang Ingles, naglakbay sa “memory lane”.

Nu’ng dekada ‘60 at ’70, si Diomeng ang hari ng mang-aawit sa bansa. Labing dalawang linggo siyang tsampyon sa “Tawag ng Tanghalan”, isang pinakatanyag na weekly singing contest hosted nina Patsy at Lopito. Wala pang TV noon. Tuwing alas-otso, Lunes ng gabi, pakiwari ko, buong sambayanan ang nakikinig sa programa. Kasama aking Inay at Tatay na laging gusto’y mag-Lunes na para tumutok sa programa.

Sa munti kong isip at puso noon, kaiba ang dating ng boses ni Diomeng. Mas suwabe pa kay Perry. Tila violin na lumalabas sa sinisipong ilong. At humahaplos sa damdamin at kaluluwa. Sa loob ng labing dalawang Lunes, ipinagtanggol niya ang korona ang pagkatsampyon sa awit na “Rose Tattoo”. Isang malungkot na awit. Sumpaan ng pag-ibig ng dalawang magsing-irog. At kudyapi ng naglahong pag-ibig.

Bakit si Diomeng at “Rose Tattoo” ang paksa ko? Ang awitin ay nagbubukas ng pinto ng maraming alaala. Matamis. Dalisay. Walang muwang. Ngunit may kaunting kalungkutan.

Napakasimple ng uri ng pamumuhay nu’ng mga dekadang ‘yon. Isang pera ang baon ko sa eskuwela. Sanlibo, katumbas milyong piso ngayon. Mura ang mga bilihin. Tahimik ang mga paligid. Isang pair of Elpo shoes, maraming suweldong pag-iipon ng tatay.

Walang libangan kundi radyo. DZRH at DZBB ni Bob Stewart ang mga pangunahing radio stations. Pinakasikat na variety shows ay “Oras ng Ligaya” hosted ni Sylvia La Torre at yumaong si Oscar Obligacion. Ang yumaong si Rafael Yabut ang pinakasikat na radio commentator sa DZRH. At top comedians ay sina Togo at Pogo, Lopito at Patsy. Bukod kay Domeng, namamayagpag din sa pag-awit sina Pilita Corales at Carmen Soriano. Pinaka-kontrobersyal na pulitiko ay si Manila Mayor Arseñio Lacson. Tuwing linggo ng gabi, buong sambayanan ay nakatuon sa kanyang “In This Corner” radio program. Ay, hitik na hitik sa matatamis na alaala ng pagkabata ang mga dekadang ‘yun.

Malinis at puwede pang paglanguyan ang Sampaloc Lake. ‘Pag summer, ang mga kalaro ko, rito naglalangoy kahit balitang may lumalabas na sirena ‘pag kabilugan ng buwan.

Sa dalawang dekadang ito ko naramdaman ang unang tibok ng pag-ibig. Nakalulunod sa kaligayahan! Ewan kung bakit hanggang ngayon hinog pa ang alaala sa aking dibdib. Minsan, muni-muni. Niyayakap. Parang isang “Rose Tattoo” na nakaukit sa katawan at kaluluwa. Ewan ko.

Sige, Bro. Jun, tuwina’y isahimpapawid mo ang “Rose Tattoo”. Para mabuksan pa mga alaala na ‘di ma-lilimot. Kalian man.

SAMUT-SAMOT

PAGKARAAN NG dalawang dekada, sinakmal ng hustisya si dating ARMM Governor Candao sa salang kurap-syon. Halos nakalimutan na ang kaso. Ganyan yata ang kamay ng hustisya sa ating bansa. Napakabagal. Subalit kahit ganyan, may mensahe: walang kasamaang ‘di napaparusahan.

Sa mga progresibong bansa, very swift ang justice delivery system. Sa atin, mabagal pa sa pagong. Punung-puno ng butas at invaded ng kurapsyon ang justice system. Maraming huwes ay kurap. May bansag sa kanila si dating pangulong Erap: hoodlum in robes. Halos 10 taon ang backlog ng mga kaso sa karamihan ng mga sala. Kulang din tayo sa mga huwes.

Dapat pag-ukulan ng pansin ang suliranin ng pamahalaan. Ang criminal justice system ay dapat gawing efficient at ligtas sa kurapsyon, kundi tuluyang mawawala ang pananalig ng taong bayan at mapanganib ito sa demokrasya.

LABIS-LABIS ANG mga abogado ng bansa. Taun-taon nadaragdagan pa ang hanay. Kailangan natin ng more IT experts. This is the age of amazing technology. Kailangang competitive tayo sa global technology.

HANGGANG NGAYON, nakapila pa ko sa pagbili ng bestseller of the year. Talambuhay ni Steve Jobs. Dalawang balik na kami ng aking chief of staff na si Jenny sa Fully Booked sa The Fort, ngunit bigo pa kami. Nangangahulugan na sa buong mundo, bilyong tao ang interesado sa libro.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleShamcey Supsup, Talagang May Attitude Problem?!
Next articleFloating Status

No posts to display