ANG IKALAWANG round ng UAAP Basketball game ay kasalukuyan nang nagaganap. Matapos nga ang cheerdance competition, sumabak na agad ang mga koponan sa ikalawang yugto ng kanilang laban para sa season na ito.
Para sa season ngayon, talaga ngang akmang-akma ang tema na “tumitindig, sumusulong” dahil sa painit nang painit ang laban ng bawat unibersidad. Bilog talaga ang bola dahil hindi mo malaman kung kaninong kapalaran ang susuwertehin o hindi.
Sa mga unang laro ng Round 2, sinimulan ito ng tapatan ng UP Fighting Maroons at Adamson Falcons. Aba, aba, aba, naging maganda rin ang laban. Talaga ngang bumawi ang UP sa Adamson kaya kanilang nasungkit ang panalo. Walang sumusuko sa dalawang teams na ito kahit nahuhuli sila sa ranking ngayong season. Sa bawat laban nila, kitang-kita na binibigyan nila ng magandang laban ang kabilang team. Kaya bawat game sa season na ito, inaabangan, pinag-uusapan, at pinanonood talaga.
Sinundan naman ito ng laban ng NU Bulldogs at UE Red Warriors. Isa sa dahilan kung bakit ko nasabi na bilog talaga ang bola para sa season na ito ay dahil unpredictable ang bawat laban ngayon. Defending champion ang NU Bulldogs, pero binibigyan sila ng magandang laban ng bawat makakatapat nila. Makikita na uhaw na uhaw sa pagkapanalo ang UE Red Warriors kaya sa bawat laban nila, pursigido silang makapasok sa semis. Kaya naman, nakuha nila ang panalo laban sa NU Bulldogs.
Ang ikalawang araw naman ng round 2 ay mainit na mainit din dahil sa pagtatapat ng Ateneo Blue Eagles at FEU Tamaraws. Napakahalaga ng laban na ito para sa Ateneo para ma-secure nila ang spot sa Top 4. Kaya bawat game sa kanila ay mahalaga, dahil kahit sinong teams ngayon ay kayang-kaya pang makapasok sa Semi-Finals. Hindi gaya noon na umpisa pa lang, alam mo na kung sinu-sino ang magtatapat-tapat sa Finals. Hindi ganoon kaganda ang standings ng Ateneo ngayon, kaya kailangang higitan ang kanilang paglaro kada game. Ngunit, talaga ngang kakaibang lakas ang mayroon ang FEU ngayon, tinalo pa rin nila ang Ateneo at sila ngayon ang may hawak ng number one sa kasalukuyang standing.
Siyempre kailangan magkaalaman agad kung sino ang patuloy na maghahawak ng number one ranking sa ngayon, kaya sumunod agad ang laban ng UST Tigers at De La Salle Green Archers. Sa pagtatapos ng Round 1 ng season na ito, tie sa unang pwesto ang UST at FEU. Kaya pressure sa UST na nanalo ang FEU, dahil ayaw nilang mawala sa top spot ng ranking. Kaya naman napakainit ulit ng laban ng UST at DLSU sa round 2. Matatandaang pinaulan ng tres ng UST ang nakaraang laban sa DLSU kaya nga binasagan ang UST bilang USThree. Sa ikalawang paghaharap nila, lamang na lamang ang DLSU sa UST hanggang sa pagtqatapos ng 3rd quarter. Hindi na ito pinalampas ng UST kaya naman sa simula ng 4th quarter, nag-init na ang Tigers lalo na ang big three nila na sina Ferrer, Daquiaog, at Abdul. Kaya bandang huli, nasungkit nila ang panalo kontra Green Archers.
UAAP Basketball na nga ang flavor of the month ng mga bagets at feeling bagets ngayon. Du’n man sila nag-aaral o hindi, talagang damang-dama mo ang pagsuporta nila sa kanilang mga bet! Kaya sa Round 2 ng laban, asahan na iinit pa ang laban dahil ang supporters ng bawat team ngayong season ay paniguradong hindi paaawat sa kanilang pagsuporta.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo