KAHIT NAMAN PALA nakilalang ‘pasaway’ ang aktres na si Roxanne Guinoo sa ilang panahong inilagi nito sa showbiz, masasabing sa isang sulok pala ng ugali nito eh, umaariba rin naman ang pagiging matiisin at mapagtimpi niya. Lalo na kung ang patience na ito eh, sa pamilya naman niya iikot.
Noon pa nabalita na malamang na lumagay na sa tahimik ang aktres, lalo na nang mapabalitang nagdadalang-tao na siya. Pero dahil na rin sa kasabihan at paniwala o pamahiin nating mga Pinoy, hindi naman pala siya puwedeng magpa-kasal din last year dahil nauna na ang kapatid ng kanyang partner na si Elton na si Angelo na lumagay sa tahimik. At matindi nga ang paniwala nating mga Pilipino sa tinatawag na ‘sukob’, na hindi maaaring magpakasal sa mga partners nila, na sakop ng buong taon ang magkapatid halimbawa.
Kahit na kailangang dalhin ni Roxanne sa mahabang panahon na mauna munang isilang ang kanilang baby ni Elton (Yap) bago ang kanilang pagpapakasal eh, dinaanan na lang ito ng aktres nang matahimik.
Kaya ngayon, mangyayari na diumano ang nasabing kasalan sa January 23, 2011. Inuna rin nina Roxanne at Elton ang pagpapabinyag sa kanilang supling. Kaya nga, kay Kuya Boy Abunda rin sa mga programa nitong The Buzz at SNN narinig ang mga balita sa pagdalaw ni Roxanne sa nasabing TV host para kunin itong Ninong.
Nabanggit na rin noon ni Roxanne sa mga naging panayam sa kanya na babalikan pa rin niya ang pag-arte sa harap ng kamera. Pero susuungin muna niya ang buhay may pamilya. At ito nga raw ang isang dalangin nila ni Elton na lahat eh, makayanan nilang daanan sa pagbuo ng kanilang kinabukasan ng magkasama.
IN FAIRNESS, NA-ACHIEVE ng Lord of Scents na si Joel Cruz ang kanyang layuning maraming mga kababayan natin ang matulungan sa pag-mount niya ng unang salvo sa concert scene ng 1@11 sa SM Mall of Asia noong Sabado ng gabi na tinampukan ng mga bago niyang endorsers na sina Gary V. at Charice Pempengco with John Lloyd Cruz at iba pang dati ng nag-eendorso ng kanyang line of perfumes.
Saksi ang almost a hundred thousand people kung paanong naging successful ang nasabing concert. Na nabitin man ang marami dahil mahaba raw ‘yung exposure ng mga modelong may isang daan ‘atang nagsama-sama sa entablado. Pero ang point naman doon, sina Gary V. at Charice ang mga bida sa nasabing concert.
Sa magnitude ng status ng dalawa niyang endorsers, si Mr. Pure Energy at ang kinikilala na ngayon ng buong mundo na si Charice-sino pa ang isusunod ni Joel sa dalawa?
Mukhang matatagalan pa bago maisip ni Joel ang susunod sa big time artists na ito.
Sabi ni Gary V., gusto na raw niyang balikan ang pelikula. At dahil naging kaliwa’t kanan na ang mga performances niya as solo artist last year here and abroad, may mga bago na namang gustong gawin sa kanyang career ito.
GINULAT NA NAMAN ako ng tawag ng Superstar na si Nora Aunor. Belated greetings sa Pasko at Bagong Taon, pati Three Kings!
Akala ko nga, ibabalita na nito na nandito na siya sa ‘Pinas. Eh, hindi pa rin pala. Nangungumusta lang. Pero sabi naman niya, hindi naman maitatago ang pagbabalik niya kung sakali this year.
May ilang mga tao lang na ipinangumusta sa akin ang Superstar. At kinukumpirma ang mga nakakarating din sa kanyang mga balita du’n sa Amerika sa sari-sari pa ring intrigang patuloy na ikinakabit sa kanya. Na kahit malayo na siya eh, sige pa rin siya ng gimik para pag-usapan pa rin dito. Gaya nu’ng kaso niya sa clinic sa Japan na ‘nag-ayos’ sa kanyang mukha. Sabi naman nito sa akin, tuloy pa rin daw ang kasong isinampa niya.
‘Yung intrigang wala na siyang pera sa Amerika, dahil wala nga naman daw itong pinagkakakitaan doon dahil sabi nga raw niya eh, nawala ang kanyang singing voice eh, pinabulaanan din niya.
Ulitin ko raw sa kanya ang lahat ng nasabing intriga sa oras na bumalik siya ng bansa. Doon niya ito isa-isang sasagutin.
If there is one concern na meron ang Superstar sa pagiging malayo niya sa mga mahal sa buhay, bukod sa mga anak niya eh, ang kapatid niyang si Buboy ang patuloy nitong kinukumusta. May malalapit na kaanak at kaibigan siya na nagtse-check sa kalagayan ng pinakamamahal niyang kapatid!
The Pillar
by Pilar Mateo