NAGLUKSA HINDI lang ang Pilipinas kundi ang buong mundo, kung saan merong Pinoy sa pagyao ng nag-iisang Hari ng Komedya na si Dolphy na ‘di lang nag-trending through Twitter sa Pilipinas, kundi worldwide.
Ilan sa mga artistang naluha sa pagyao ni Mang Pidol ay ang Master Showman himself na si Kuya German Moreno na nagbalik-tanaw sa pagiging mabait na kaibigan at katrabaho ni Mang Dolphy at inalay ang kanyang ilang oras sa sariling radio program DZBB 594 Walang Siesta para balikan ang magagandang nagawa ng Comedy King sa industriya.
“Si Pareng Dolphy, sobrang bait niya. Nu’ng time na may isang pelikula na tinanggihan ni Panchito sa hindi ko alam na kadahilanan at ako ang napusuan ng producer na humalili sa tinanggihang proyekto ni Panchito kasama ang Comedy King, hindi man lamang tumanggi si Pareng Dolphy. Dahil kung ibang artista ‘yan, baka hindi pumayag at ipinilit na kunin ‘yung mas nakasanayan na niyang katrabaho. Pero siya (Dolphy) hindi siya ganu’n, lagi siyang open sa mga bagong makakatrabaho.
“Kung saan lahat kami na-nominate sa Famas, kaya naman laking tuwa namin, lalo na ako dahil na-nominate ako sa pelikula pang kasama ko si Pareng Dolphy.”
Tsika naman ni Matutina na almost 2 dekada yatang nakasama ni Dolphy sa John En Marsha, “Sobrang bait ni Tito Dolphy on and offcam. Kapag may lumalapit sa kanya at humihingi ng tulong, hindi siya nagdadalawang-isip at tinutulungan niya. Masayahing tao, ayaw niya ng malungkot, gusto niya laging masaya at laging nakakakita siya ng tumatawa.”
Kuwento naman ni Janice Jurado, “Ni minsan hindi ako tinanggihan ni Tito Dolphy, kung ilang beses akong humingi ng tulong para sa aking operasyon at lagi siyang nand’yan para tumulong. At kahit nga nu’ng mga time na may sakit at mahina na siya nang lumapit ako sa kanya, tinulu-ngan pa rin niya ako. Gusto ko siyang pasalamatan sa lahat ng tulong na ginawa niya sa akin.”
WALANG NAGAWA ang mabait na Japanese producer na may pusong Pinoy na si Jacky Woo kung hindi hintayin ang co-star nito para sa kanyang prinudyus na pelikula, ang Ride To Love, na si Rufa Mae Quinto nang sa kasagsagan ng shooting ay biglang nagpaalam na sandali lang mawawala para sa isang promo.
At dahil mabait ang producer/actor ay pinayagan nito ang komedyana para mapuntahan ang natanguang guesting. Pero ang ending, 9 p.m. na raw ng gabi ay hindi pa nakababalik ng location si Rufa Mae, kaya naman ang ending, ‘yung mga eksenang dapat makunan ng araw nay un ay hindi natapos at kailangan pang magkaroon ng pangalawang araw.
Kaya naman tsika nga ng kapatid sa panulat na nakaalam ng nangyari ay “Ang mga artista, hindi na natuto. Kapag walang project panay ang emote. Kaloka!”
At kahit ganu’n daw ang nangyari ay cool pa rin ang mabait na producer/actor at hinintay na lang ang pagbabalik ni Rufa Mae na hindi na naikuwento sa amin kung nakabalik pa ba ang komedyana o hindi na. ‘Yun na!
MASAYANG-MASAYA ANG Tween star na si Kristoffer Martin dahil sa pagiging part niya ng second generation ng GMA-7 soap na Luna Blanca. Kung saan gagampanan nito ang role na Joaquin, isang campus heartthrob na anak nina Gina Alajar at Allan Paule, kung saan magiging ka-loveteam nito si Bea Binene bilang Luna na magkakagusto sa kanya.
“Nakakapanibago po, kasi this time ang role ko mayaman. Iba po talaga siya tapos campus heartthrob pa. Sabi ko nga, ie-enjoy ko na lang ang role ko ngayon!”
Medyo may lungkot daw ayon na rin sa binata, dahil nasanay na siyang ang original niyang ka-loveteam na si Joyce Ching, dahil sa simula pa lang ng kanyang career sa GMA ay ito na ang kanyang kasama.
“Natural lang naman po ‘yon kasi ever since nag-start ang career ko sa GMA-7, si Joyce na ang nakatrabaho ko. Sa Stairway To Heaven pa lang, magkasama na kami. Kaya may nabuo na rin kaming rapport sa isa’t isa. Kaya nakakapanibago rin na hindi siya ang magiging kabatuhan ko ng mga linya. Pero natutuwa naman ako at the same time na si Bea naman ang makakasama ko. Okey kami ni Bea kasi sa tagal naming magkasama sa Tween Hearts. Sabi nga namin sa isa’t isa, we’ll make it work.
Isa nga si Kristoffer Martin sa bini-build up na maging bagong leading man sa bakuran ng Kapuso Network na kung tawagin ngayon ay batang version ni Coco Martin ng Kapuso Network sa hitsura at galing umarte.
John’s Point
by John Fontanilla