PARANG KAILAN lamang nang pasukin ni Rufa Mae Quinto ang mundo ng showbiz at nagsimula siya na isang komedyante na siya niyang naging hagdan upang marating pa ang kanyang mga pangarap. Ngayon ay twenty years na pala ang nakararaan kung saan sinuong niya ang mga matitinding kontrobersiya at intriga laban sa kanya.
Naging daan din ito upang lalo pa siyang itulak pataas sa rurok ng tagumpay at makuha ang simpatiya ng nakarara-ming tagahanga.
Tila may hinahanap pa si Rufa aka P-Chi sa kanyang pagiging artista. Hindi lamang ang pagiging komedyante (kung saan siya nakilala at sumikat) ang gusto niyang mangyari. Gusto rin niyang maging mahusay sa drama, ‘yung tipong seryoso raw at walang halong katatawanan. Kaya naman nabigyan siya ng break ng TV5 noong nakaraang October sa dramatic role bilang si Maricris, as a call center agent sa Positive, kung saan ay nakapareha niya si Martin Escudero bilang ex-BF at si Monching Gutierrez bilang kanyang asawa.
Ang sumunod naman, ang kanyang pinagbidahang movie na Ang Huling Henya, na isang drama aksiyon.
“Ito kasi ang dream ni Mommy noon pa na maging dramatic actress ako o magkaroon man lang ng role na madrama. Kaya pasalamat din ako sa TV5 sa pagkakataong ibinigay nila sa akin,” pahayag niya.
Kahit pa raw may iba pa siyang programa saibang network ay ‘di pa rin niya iiwan ang Bubble Gang.
Para kay P-Chi, it’s time na raw para magkaroon ng pagbabago sa sarili. Isa na siyang freelance at puwede na siyang tumanggap ng project kung saan may offer. Pagbubutihin pa raw niya ang kanyang effort na maging mahusay sa drama. Katunayan ay natuto na siyang mag-workshop.
Dahil may mga pinagkakaabalahan siya sa ngayon, medyo nawawala sa kanyang agenda ang tungkol sa lovelife. Focus siya ngayon sa trabaho at pagpapatakbo ng negosyo, ang Brown Sugar Production. Marami pa umano siyang mga pelikulang ipo-produce at may ilan na kasama siya sa castings.
To the higher lever na talaga ang dalaga dahil may mga iniingatan na siyang mga trophy. Mga napagwagian niya ang mga ito sa mga nakaraang PMPC Awards: Best Supporting Actress noong 2000 sa Dahil May Isang Ikaw; ganoon din noong 2002; Best Comedy Actress for TV ISPUP noong 2006; Best Comedy Actress for TV Bubble Gang; napiling Star of the Night noong 2008; at Best Comedy Actress noong 2012. Bukod pa rito ang pagiging cover girl niya sa FHM, ROGUE, COSMOPOLITAN, PREVIEW, MAXIM, at marami pang iba.
Napakarami na rin niyang ginanap sa concert sa loob at labas ng bansa. Ngayon ay gaganapin na ang kanyang the most awaited concert bilang pagdiriwang ng kanyang ika-20 anibersaryo sa showbiz, a Valentine comedy concert, ang ‘No Husband, No Lover’ na gaganapin sa Music Museum sa Feruary 12, kung saan makakasama niya si Gladys Guevarra. Guests niya rito sina Alden Richards, Diego, Moymoy Palaboy, Boobay at iba pang Kapuso Stars. Kasama rin si Michael V. sa kanyang special participation. Ang concert ay sa pamamagitan ng Casting Crowns Tri-Media Productions.
By Marialuz Candaba