MASASABING MALIGAYA na nga si Rufa Mae Quinto sa kanyang buhay ngayon sa pagiging malaya sa kanyang trabaho, dahil kahit saan network ay maari na siyang tumanggap ng project kung may offer.
Regular nang mapapanood si P-Chi sa TV5 variety show ni Willie Revillame na Wil Time Big Time tuwing Lunes hanggang Sabado ng gabi simula nang pumirma siya ng kontrata sa programa.
“Hangga’t nand’yan ang show, tuluy-tuloy rin po ako at walang limited time kung hanggang kailan ako sa programa,” natutuwang sabi ng dalaga.
Puwede pa rin naman daw siyang tumanggap pa ng ibang programa sa TV5, kaya lang ay kailangan pa rin niyang ipaalam at bilang paggalang na rin sa kanyang mother network kung saan siya nahubog nang husto bilang artista, ang Kapuso Network. Katunayan, hindi naman niya maiiwan ang kanyang show rito na Bubble Gang, ang long-running at top-rating comedy sitcom for all seasons.
Mas malaya na umano niyang nagagawa ang anumang gustuhin niya, lalo na sa pag-aasikaso ng kanyang business, ang pagpoprodyus ng pelikula, mga paperworks na dapat pirmahan at hindi dapat. Medyo mahirap din para sa kanya ang mga ganoong gawain pero kailangan umano niyang mag-adjust. Kahit na hirap ay kailangan pa rin daw niyang tumawa dahil iyon ang kailangan. Para raw umano ‘di niya sukuan ang kahit na anong mahirap na gawain.
Naaalala pa rin daw umano ang kanyang Mommy Lucing na malapit na rin ang babang-luksa, nami-miss niya ito lalo pa’t ito ang nakakaagapay niya pagdating sa ganoong trabaho, ang pag-aayos ng mga papers at kasa-kasama rin niya sa kanyang bawa’t biyahe sa ibang bansa. Almost one week siya sa San Francisco nitong nakaraang Mayo dahil doon siya nag-celebrate ng kanyang birthday at first time din na hindi na sila magkasamang mag-lola. Masayang-malungkot umano ang kanyang naging birthday.
Marami pang schedule na dapat gawin si Rufa. Nagpo-produce siya ng mga movies at meron din siyang ginagawang movie. Gagawin pa lang niya ang Mga Kwento ni Lola Basyang ng Unitel. Pang-entry umano ito sa MMFF. Gaganap siyang witch o mambabarang. Meron pa rin siya sa Regal Films by June or July, ang Miss Impossible, sa di-reksyon ni Bb. Joyce Bernal at sa Viva Films naman, Ang Babaeng Huling Henya. At ang Ride o Love na ang mga eksena ay kukunan sa LRT.
Kung ano umano ang kalagayan niya sa ngayon ay maligaya siya at malaki pa rin ang pasasalamat niya sa Diyos dahil sa kabila ng mga salimuot ng buhay at mga intriga ay nalalagpasan niya ito. Wala na umano siyang mahihiling pa kundi ang maging successful sa kanyang business. ‘Yun na!